Tila nalinlang daw ang pakiramdam ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na hindi talaga sila magkaibigan. Nagpaliwanag din ang Punong Ehekutibo kung bakit hindi niya itinalagang "caretaker" ng bansa ang huli nang magpunta siya sa Lao PDR para dumalo sa ASEAN Summit and Related Summits.
Sa pakikipag-usap sa mga mamamahayag, muling natanong sa pangulo tungkol sa sinabi noon ni Duterte na hindi talaga sila magkaibigan, at ang kapatid nito na si Senator Imee Marcos ang talagang malapit sa kaniya.
“I don’t know anymore. I’m not quite sure I understand. I’m a little dismayed to hear that she doesn’t think that we are friends,” ayon kay Marcos.
Sinabi pa ng pangulo na, ''I always thought that we were but maybe I was deceived.''
Una rito, tinanong si Duterte tungkol sa relasyon niya kay Marcos matapos siyang magbitiw bilang miyembro ng Gabinete.
Dito inihayag ng pangalawang pangulo na hindi naman talaga sila naging magkaibigan ni Marcos kahit pa naging magkatambal sila at nanalo sa nagdaang Eleksyon 2022.
Samantala, ipinaliwanag din ni Marcos sa mga mamamahayag na hindi na bahagi ng administrasyon si Duterte matapos magbitiw sa Gabinete kaya hindi na niya ito itinalaga na "caretaker" ng bansa nang magpunta siya sa Lao PDR para dumalo sa ASEAN Summit and Related Summits.
“She’s still in government but she left the administration. So, she’s not part of the administration anymore. So, she’s not --- she’s not part of the --- really the day-to-day running of what we are doing,” ani Marcos.
“So, it would be unfair to ask her to now sudden --- to impose that duty on her since she’s --- that’s not part of her work now,” dagdag niya.
Gayunman, lininaw ni Marcos na hindi ito nangangahulugan na wala na siyang tiwala kay Duterte.
“No. It’s a very practical reason, actually. That’s how I came to that conclusion. The --- if you notice the membership of the executive committee are all part of --- now they’re all members of the Cabinet up to now,” paliwanag niya. “So, that would seem to be the obvious way to handle it.”
Sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, at Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, ang mga itinalaga ni Marcos na caretakers ng bansa habang nasa Lao PDR siya.—mula sa ulat ni Anna felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News

