Isang lalaking driver na nagmamaneho ngunit hindi nakatingin sa kalsada ang nakabundol ng isang mag-inang tumatawid sa Sichuan Province, China.

Sa video na ibinahagi ng Traffic Management Bureau ng Ministry of Public Security, na mapanonood din sa GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang lalaking driver na palingon-lingon habang nagmamaneho.

Ilang saglit lang, tumawid na sa pedestrian lane ang isang mag-ina.

Hindi na nakapagpreno agad ang driver, kaya tumilapon ang bata samantalang natumba ang ina nito.

Sa kabutihang palad, hindi nagtamo ng matinding injuries ang mag-ina.

Sinabi ng traffic police na mananagot ang driver at papatawan ng kaukulang reklamo.

Sa Wushi County sa China pa rin, isa namang taxi driver na panay ang cellphone ang nakabangga sa isang gumagamit ng e-bike.

Sa video, mapanonood na hindi nakita ng taxi driver ang electric bike sa gilid ng kalsada kaya nabundol niya ito.

Minor injuries lamang ang tinamo ng rider.

Isinaad ng pulisya na malinaw ang paglabag ng taxi driver.

Gayunman, mananagot din ang rider ng e-bike dahil sa hindi niya pagbibigay-daan sa taxi sa main road.

Sa England naman, isang babaeng driver din ang nasangkot sa aksidente matapos banggain ng isa pang kotse.

Sinabi ng Wiltshire Police na hindi rin nakatuon sa kalsada ang atensyon ng nakabanggang lalaki kaya niya napansin ang sasakyan ni Adele Gough.

Dahil dito, nagtamo ng matinding pasa si Gough, na umaasang mako-cover ng insurance ang kaniyang pagpapaayos sa sasakyan. — VBL, GMA Integrated News