Hindi pa rin humarap si Vice President Sara Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) para personal na magpaliwanag tungkol sa naging pahayag niya na may kinausap na siyang papatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at Speaker Martin Romualdez, kapag may masamang nangyari sa kaniya.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nagtungo lang sa tanggapan ang kinatawan ni Duterte na si Atty. Paul Lim, bitbit ang sulat ng bise presidente na itinatanggi ang pagbabanta sa buhay ng First Couple at lider ng Kamara de Representantes.

“Ang sabi sa sulat ay hindi na lang a-attend si Vice President Duterte at, instead, she vehemently denies the accusation that she threatened the president, the first lady, and the speaker,” sabi ni Santiago sa media briefing.

Ayon kay Santiago, ang pagtanggi ni Duterte na humarap sa imbestigasyon at pag-waived sa kaniyang karapatan na madinig ang kaniyang panig.

Sa sulat ni Duterte, pinuna nito na imbestigasyon ng NBI na ginawa matapos ang pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na kinakailangang aksyunan ang banta sa buhay ng pangulo, at matapos magbigay ng direktoba si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla tungkol sa naturang usapin.

Giit pa ng kampo ni Duterte, ang NBI ay nasa ilalim ni Remulla, na alter-ego ni Marcos, at chief alter-ego rin si Bersamin.

“Given these facts, you will kindly understand our client’s prudence in her cooperation with your office, and her desistance from appearing at and giving any statement on December 11,” saad sa sulat.   

Sinabi naman ni Santiago na patas ang NBI sa kanilang ginagawang imbestigasyon.

“Hindi natin siya masisisi kung ganoon ang pag iisip niya but then kami nananatili malinis ang aming konsensya that the investigation will be fair. Wala kaming kinikilingan. Walang pinoprotektahan, serbisyong totoo lamang,” paliwanag niya.

Sinabi rin ni Santiago, hindi matatanggap ng NBI bilang sinumpaang salaysay ni Duterte ang ipinadalang sulat ng kaniyang abogado.

“Meron lamang conformity ng ating vice president. Okay, so for us, there is no sworn statement, there is no counter-affidavit to speak of, na sinubmit si vice president,” ani Santiago.

Gayunman, handa umano nilang tanggapin anomang oras kung naisin ni Duterte na magsumite ng counter-affidavit.

Ipatatawag din ni Santiago ang ilang miyembro ng media o vloggers sa Biyernes. Matapos nito, sisimulan na ng NBI na pag-usapan ang magiging rekomendasyon mula sa isinagawang imbestigasyon.

Isusumite umano ng NBI ang magiging rekomendasyon nila sa Department of Justice (DOJ) sa Enero 2025.    

“Sabi ko sa inyo pag-aaralan na namin, we will start collating all the evidence, all the testimonies, all the statements we have gathered,” ani Santiago.

“During that interim period, hangga't hindi pa kami nakakapag finalize, o biglang tumawag sa akin si  Vice President, director I will go there, ano pa ba yung mga gusto niyong tanong? Welcome po ‘yun. But we are no longer setting another date for her to appear,” dagdag niya.

Banta sa buhay ni Duterte

SInabi rin ni Santiago na kasama sa sulat ng kampo ni Duterte ang paggiit na dapat imbestigahan din ng NBI ang umano'y banta sa buhay ng bise presidente.

“She did not specify kung sinong tao ‘yung nagte-threat sa kaniya. Wala siyang isinamang proof, kung ano ‘yung threat na ‘yun. Binalik niya lang sa amin ‘yung sinasabi ko na we will investigate,” ani Santiago.

“But then ‘yung hindi niya pag-appear ay hindi siya nakipag cooperate [para] malaman namin sino nag the-threat sa kanya. Kasi wala naman specific eh,” sabi pa ng opisyal.

Dati nang sinabi ni Duterte na pinayuhan siya ng kaniyang abogado na hindi siya kailangang magpakita sa tanggapan kung maghahain siya ng affidavit.

"Ang pagkakaintindi ko sa explanation ng mga abogado ko sa investigation ng NBI ay puwede namang hindi pumunta. Puwede naman mag-submit na lang daw ng sulat or affidavit. Pangalawa meron kaming thanksgiving na mga activities sa December 11, at pangatlo after ng thanks giving activities namin ay pauwi din ako dito sa Davao City para maglibing ng uncle ko," paliwanag ni Duterte kamakailan.

Nauna nang itinakda ang pagpunta ni Duterte sa NBI noong November 29 pero sinabi niyang hindi siya makararating dahil kasabay ng House committee hearing, na hindi na itinuloy ng mga kongresista para hindi umano sila magamit na dahilan ng pangalawang pangulo para hindi sumipot sa NBI.—mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News