Inihayag ni Vice President Sara Duterte na wala siyang planong magtago o umalis ng bansa kung sakaling arestuhin siya dahil sa mga usaping legal at impeachment complaints na kinakaharap. Hindi rin niya pinagsisihan ang isiniwalat niyang may kinausap na siya para patayin si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kapag may masamang nangyari sa kaniya.
Sa pulong balitaan nitong Miyerkoles, sinabi ni Duterte na gusto niyang manatili sa bansa na kasama ang kaniyang mga anak kahit pa nakakulong siya.
"No, I don't plan to leave the country. I don't plan to hide if there will be a warrant of arrest mainly because my children are here," ayon kay Duterte.
"So if I get detained, I want to be able to see my children. So I have no plans of leaving the country to hide," dagdag niya.
Una rito, naghain ng mga reklamo ang Philippine National Police (PNP) ng direct assault, disobedience, and grave coercion laban kina Duterte, Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) head Colonel Raymund Dante Lachica, at iba pang John Does.
Kaugnay ito ng nangyaring komosyon habang inililipat ang chief of staff ni Duterte na si Zuleika Lopez mula sa detention facility ng Kamara de Representantes patungo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
May kinakaharap din na dalawang impeachment complaint si Duterte sa Kamara.
Iniimbestigahan din ng National Bureau of Investigation (NBI) ang naging pahayag ni Duterte na may kinausap na siya na papatay kina Marcos, First Lady Liza Marcos, at Speaker Martin Romualdez, sakaling may masamang mangyari sa kaniya.
Nang tanungin si Duterte kung ano ang nakikita niyang worst case scenario tungkol sa kaniya, tugon niya, "Ang nakikita namin is removal from office, impeachment, and patong-patong na kaso, multiple cases will be filed."
Sinabi rin ni Duterte na hindi niya pinagsisisihan ang naging pahayag niya na may kinausap siya para patayin ang First Couple at si Romualdez kapag may masamang nangyari sa kaniya.
"Buti na alam nila na 'pag namatay ako, I will not die in vain," pahayag ni Duterte.
Nitong Miyerkoles, hindi pa rin sinipot ni Duterte ang ginagawang imbestigasyon ng NBI tungkol sa naturang pahayag niya na itinuturing pagbabanta sa buhay ni Marcos.
Ayon kay Duterte, hindi niya inaasahan na magiging patas ang NBI sa ginagawa nitong imbestigasyon.
“I don’t think magiging patas ang imbestigasyon na ito dahil kung nakita niyo naman ‘yung mensahe ng Pangulo, na sinabi niya…in gist, ganitong mga kriminal na gawain ay hindi ko palalampasin. So makita na natin the pronouncements of the President, meron nang bias doon,” paliwanag niya.
Idinagdag ni Duterte na naniniwala sila ng kaniyang mga abogado na may isasampang kaso laban sa kaniya kahit dumalo siya sa imbestigasyon ng NBI.
"The lawyers and I believe that cases will be filed. So kahit pang sabihin nila na may investigation, sa simula pa lang nagdesisyon na sila na mag-file sila ng cases," patuloy ni Duterte. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News