Pagpasok pa lang sa unang bayan ng Camarines Sur, sasalubong na sa mga biyahero at motorista ang butas-butas o baku-bakung bahagi ng Andaya Highway. Sa mga ganitong lugar nagsisimula ang pagbagal ng mga sasakyan hanggang sa maipon.

Nagiging sanhi rin ng trapik ang road at bridge widening project na nagpapatuloy sa ibang lugar.

Ngayon, isang lane lamang ang nadadaanan ng mga sasakyan bunsod ng pagkasira ng bahagi ng highway sa Cabugtan, Lupi, Camarines Sur.

Habang papalapit ang Pasko kung kailan dumarami ang mga uuwi sa probinsya, bumibigat ang volume ng mga sasakyan na hindi kinakaya ng isang linya ng highway.

Ayon sa ilang residente ng Lupi, Camarines Sur, ang dating isa't kalahating oras na biyahe patungong Naga City ay nagiging lima hanggang anim na oras.

Inabot naman ng mahigit tatlong oras na naipit sa trapiko ang mga magtutungong Maynila mula Bicol at Visayas.

Sobra-sobrang pasakit na raw ito sa kanilang mga madalas bumiyahe.

Nitong Miyerkules, iniulat naman ng GMA Regional TV na umabot ng hanggang 17 kilometro ang pila ng mga sasakyang naipit sa trapik sa bayan ng Ragay sa Camarines Sur.

Ayon sa Land Transportation Office (LTO) sa Ragay, malubhang naapektuhan ang trapik ng sira-sirang kalsada, pagkukumpuni ng daan, at maging ng mga pasaway na motorista.

Samantala, nakaranas rin ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko sa bahagi naman ng Maharlika Highway sa Calauag, Quezon. — Peewee Bacuño/ VDV, GMA Integrated News