Kritikal ang kondisyon ng isang lalaki sa Antipolo City matapos aksidenteng tamaan ng bala sa ulo ng baril na pinaglaruan umano nila ng kanyang kaibigan.
Batay sa imbestigasyon, luma at sira na ang baril na napulot ng magkaibigan.
Nakuha ng mga awtoridad ang nasabing baril sa kuwarto ng isang bahay sa Sitio Mahay sa Barangay Bagong Nayon.
Ayon sa pulisya, hindi alam ng magkaibigang 16-anyos at 19-anyos na may bala ang .38 caliber na revolver.
“Ayon po sa ating mga imbestigador, pinaglaruan po 'yung baril ng magkaibigan. At pagkahawak po nitong 16-year-old na kaibigan nga po is aksidente po itong naitutok sa ulo at naiputok sa kaniyang kaibigan,” ayon kay Police Lieutenant Ken Ladyong Ada-ol, chief of Community Affairs and Development Division (CCADS) ng Antipolo Police.
Base sa imbestigasyon, luma at sira umano ang baril.
“'Yung baril na pinaglaruan ng dalawang bata is galing din po sa mga barkada nila dito lang din po sa kanilang barangay. At 'yung revolver po na 'yun is loaded po pala siya ng isang bala,” sabi ni Ada-ol
Sa ulo tinamaan ang biktima na isinugod sa ospital.
Kritikal ang kanyang kondisyon at kinailangang operahan ayon sa mga kaanak
Kuwento ng ina ng biktima, disgrasya ang nangyari.
"Siyempre, mga bata 'yan, ma'm, pinaglaruan. Basta alam nila, laruan nga. Akala nila hindi pumuputok dahil alam nila sira," aniya.
“Para sa amin, disgrasiya (ang nangyari) dahil kaibigan niya, hindi po niya kaaway. Kaibigan at ka-close niya po 'yung gumawa na bata. Inosente po siya na paglalaro ang ginawa nila. Ang kamalian nila ay baril ang ginawa nilang laruan," saad ng ina ng biktima.
Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development ang 16-anyos na binatilyo.
Paalala ng awtoridad sa publiko, huwag paglaruan ang anumang baril.
“Sa ating mga kabataan, 'pag may nakita po tayong baril or napulot or nabigay sa kaibigan, 'wag po natin itong paglaruan kasi po delikado po ito. Kahit sinasabi niyo po ito na luma na or 'di na po gumagana, baka meron po ito na bala. Possible na possible po ito na puputok," sabi ni Ada-ol.
"Pinakamabuti po ay i-surrender natin sa pinakamalapit na police station,” dagdag niya. —KG GMA Integrated News
