May paliwanag ang pamilya ng viral na babaeng sampaguita vendor kung bakit high school uniform ang kaniyang suot sa tuwing nagbebenta, gayong 22-anyos na siya at isa nang kolehiyala.
"'Pag hindi siya naka-uniform, wala silang benta. Naka-uniform sila, parang awa na lang sa kanila," sabi ng ina ni "Marie," hindi nito tunay na pangalan, sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.
Hindi dinatnan ng GMA Integrated News si "Marie" nang bisitahin ang kanilang tahanan dahil may pasok umano siya sa eskuwelahan.
"Nakasanayan na po namin. Mula elementary po kasi, nagtitinda na po kami sa uniform. 'Pag galing po namin ng school, diretso po kami tinda. Ang totoo po niyan, minsan nga wala po kaming benta kahit naka-uniform. Sobrang, kunwari wala pong tao o kaya naman marami ngang tao pero wala namang bumibili," sabi ng kambal ni "Marie."
Ayaw umano ng kambal na gamitin nila ang kanilang college uniform.
"Nagkakaroon nga po ng himulmol, tsaka isa lang po, nilalabahan na agad. Dahil magkatulad naman ng kulay, 'yun na lang po ang sinusuot namin," paliwanag pa ng kambal ni "Marie."
Disyembre 17 nang makunan ng video si "Marie" na nakaalitan ang isang security guard habang nagtitinda sa isang mall. May usapan umano ang magkambal noong gabing iyon.
"Magkikita kami sa likod ng 9, kasi sabay-sabay kaming uuwi, mga 10. Nagawi siya roon, pauwi na siya, then nagtinda muna siya sa harap, kaso umambon that time, sabi niya sa akin. Umupo na lang siya roon sa hagdan tapos nilapitan siya ng guwardiya," kuwento ng kambal ni "Marie."
Giit niya, hindi sila sindikato na gaya ng sinasabi sa mga komento online.
"Sa mga nanghuhusga, hindi ko naman po kayo pinipilit," sabi ng kambal ni "Marie."
"Hindi sindikato ang mga anak ko. Talagang nagsisikap silang matustusan 'yung pag-aaral," sabi ng ina ni "Marie."
Tila nagulo rin ang kanilang pribadong buhay.
"Natu-trauma rin kami. Sa school din naiilang kasi may tumitingin," sabi ng kambal.
Patuloy ang Department of Social Welfare and Development sa assessment sa pamilya ni "Marie," na nauna nang nabigyan ng P20,000 na ipambabayad sa matrikula nito.
Bagaman napatunayan ng Philippine National Police na hindi miyembro ng sindikato si Marie, aalamin nila kung may mga sindikatong gumagamit ng mga bata para magtinda ng sampaguita.
Sinusubukan pa rin ng GMA Integrated News na kunin ang panig ng security guard.
Tinanggal na ng SM Megamall ang security guard na nakita sa viral video na sinipa si "Marie" na nagtitinda ng sampaguita sa labas ng establisimyento.
Nagalit si "Marie" sa sekyu nang sirain nito ang paninda niyang sampaguita kaya hinampas niya ang sekyu.
Sinabi ng Philippine National Police - Civil Security Group (CSG) na magsasagawa sila ng administratibong imbestigasyon laban sa security guard. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News