Ikinagulat ng mga motorista na bumabagtas sa southbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX) viaduct pasado ala siete kagabi nang makita ang dalawang kabaong na nakahambalang sa expressway. 

Kwento ng motoristang si Noel Luartes, ilang metro lang ang layo ng insidente sa Pulilan Exit. 

Pauwi na raw sila sa Pulilan galing sa Pampanga. 

“Nagbe-brake na ‘yung mga sasakyan tapos tinitingnan namin bakit ba. Sabi po ng anak ko ‘may nalaglag daddy mukhang may nalaglag’ tapos pagdating namin doon sa area na ‘yon may ataol na may kabaong na doon. Vinideohan na ng anak ko,” ani Luartes. 

Napag-alaman na ang mga kabaong ay nalaglag mula sa isang closed van. 

Galing ang mga ito sa Pampanga at ide-deliver sa Marikina. 

Natamaan pa ng kabaong ang bumper ng isang SUV na nakasunod noon sa closed van. 

Humingi ng tulong ang driver ng SUV sa NLEX hotline para marespondehan ang insidente. 

“Pagkahulog po nakaiwas po talaga ako pero feeling ko ‘yung debris po nung nahulog na kabaong tumama rin sa grille ko kaya po siya nasira,” sabi ng driver ng SUV. 

Nagkasundo naman ang dalawang panig at nabayaran na raw ang pinsala na naidulot sa SUV.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang pahayag ng pamunuan ng NLEX.—LDF, GMA Integrated News