Binawi ng pitong senador ang kanilang pirma mula sa committee report sa Senate Bill 1979 o ang kontrobersiyal na Adolescent Pregnancy Prevention Bill, sa harap ng pangamba ng ilang grupo tungkol sa probisyon sa Comprehensive Sexual Education.
Sa isang liham na ipinadala kay Senate President Francis "Chiz" Escudero noong Martes, sinabi nina Senador JV Ejercito, Nancy Binay, Cynthia Villar, at Bong Go, na binabawi nila ang kanilang suporta sa nasabing panukala. Idinahilan nila na marami pang kailangang talakayin sa panukala na dapat na kasama ang mga stakeholder.
"In light of the recent feedback and numerous concerns raised on Senate Bill No. 1979...we respectfully request the withdrawal of our signatures from the said committee report," nakasaad sa sulat.
"While we believe that the prevalence of adolescent pregnancy is an issue that must be urgently addressed, it is our position that further dialogues with stakeholders are essential in order to accurately dispel misconceptions and remove objectionable portions from the bill," dagdag pa ng mga senador.
Sa hiwalay na sulat ni Sen. Jinggoy Estrada kay Escudero, sinabi nito na iniuurong niya ang suporta sa panukalang batas matapos niyang suriin ang ''sentiments and grave concerns of various private organizations that have expressed strong opposition on the proposed legislation.''
Si Sen. Ramon ''Bong'' Revilla Jr., sinabi kay Escudero na ang desisyon niyang iatras ang suporta sa panukala dahil makikita niya ang sarili na ''in conflict with the possible outcomes'' kapag naging batas ito.
Idinagdag niya na, ''certain aspects of the proposed legislation require further refinement to better align with my advocacies and the interests of our constituents.''
Ayon pa kay Revilla, naglalaman ang SB 1979 ng mga probisyon na wala sa SB 1209 na iniakda niya.
"The version I filed aimed to create an institutional framework to protect children from bastardized concepts of sex, perversity, and vulgarity that contribute to adolescent pregnancy while also ensuring state support for adolescent parents so their children grow up healthy," ayon kay Revilla.
Iniatras din ni Sen. Loren Legarda ang pirma niya sa committee report ng SB 1979.
Sa ambush interview, sinabi naman ni Sen. Imee Marcos, na may akda ng panukalang batas na ikinunsidera sa SB 1979, na "premature" na bawiin niya ang kaniyang pirma.
"Withdrawal at this point is a little too early dahil hindi pa naman siya napapasa," ani Marcos. "Hindi ko alam kung bakit may alarmist mode. Bakit 'yung ibang nagte-text? Huwag kayo matakot, hindi pa ito tapos. Mahaba pa ang proseso; may interpellation, may amendment pa.''
Iginiit din ni Marcos na kailangan ang batas na tutugon sa teenage pregnancy, na hindi lang umano social at moral problem kung hindi "economic development problem" din.
Dahil na rin sa mga pangamba sa panukala, sinabi ni Sen. Risa Hontiveros, sponsor ng SB 1979, na maghahain siya ng substitute bill para tugunan ang mga agam-agam sa panukala.
"Nirerespeto ko ang kanilang desisyon. Naiintindihan ko ang kanilang mga konsiderasyon sa pagbawi ng suporta sa panukalang tutugon sa pagtaas ng teenage pregnancy sa bansa," pahayag ni Hontiveros
"May ihahain akong substitute bill bilang tugon sa tunay at sinserong concerns ng iba't ibang sektor at grupo. Umaasa ako na pag-aaralan nila," dagdag niya.
Comprehensive Sexual Education
Una rito, nagpahayag ng pangamba ang ilang grupo laban sa SB 1979, partikular na sa seksyon nito tungkol sa Comprehensive Sexual Education (CSE).
Sa ilalim ng Adolescent Pregnancy Prevention Bill, magiging bahagi ng edukasyon o pagtuturo ang Comprehensive Sexuality Program “at all levels with the end goal of normalizing discussions about adolescent sexuality and reproductive health and to remove stigma at all levels.”
Sa seksyon 6 ng panukala, nakasaad na ang CSE "shall be integrated in the school curriculum, guided by [the Department of Education] and international standards."
Iginiit ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, na bahagi ng grupo na kumukuwestiyon tungkol sa SB 1979, na nakasaad na susunod ang CSE sa "international standards," na kurikulum na itinakda umano ng UNESCO at World Health Organization.
Ayon kay Sereno, ang kurikulum sa mga international organization ay may mga probisyon tungkol sa pagtuturo o paghihikayat ng masturbation sa mga batang edad zero hanggang apat at pagtuturo ng "bodily pleasure" o "sexual rights" sa mga batang edad anim hanggang siyam.
Ipinahayag din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang parehong pangamba noong Lunes.
''You will teach four-year-olds how to masturbate. That every child has the right to try different sexualities. This is ridiculous. It is abhorrent. It is a travesty of what sexual and sex education should be to the children,'' saad ng Presidente na nagbabala na ibi-veto niya ang panukala kapag pumasa ito sa Kongreso na hindi binabago ang laman.
Pinabulaanan naman ni Hontiveros ang naturang puna sa panukala, at iginiit na wala ang naturang mga probisyon.
Sinabi rin ng senador na walang intensyon ang SB 1979 na gayahin ang CSE mula sa anumang pandaigdigang pamantayan.
"Hindi ibig sabihin ay kokopyahin lang lahat nang naka-publish sa UNESCO o WHO. Siyempre kung may mga nakasaad diyan na hindi akma sa konteksto at kultura ng Pilipinas, siyempre hindi yan gagamitin. Common sense po iyan," ani Hontiveros.
"DepEd pa rin, kasama ang ibang relevant agencies, at dapat may consultation with various stakeholders, ang mag-iimplement ng CSE. Hindi kung sino-sinong international body. Wala pong magdidikta sa ating gobyerno kundi tayong mga Pilipino," dagdag niya. --mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News