Tinupok ng apoy ang nasa tatlumpung bahay sa Purok 5 ng Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila bandang alas dos ng madaling araw kanina.

Mabilis na kumalat ang apoy sa magkakadikit na bahay na gawa sa light materials.

Iniakyat ng Bureau of Fire Protection ang ikalimang alarma — halos animnapung fire truck ang rumesponde. 

Dahil nasa dulo ng residential area ang Purok 5, sa compound ng Manila International Container Terminal (MICT) puwesto ang mga fire truck para malapitang makapagbuga ng tubig. 

Gumamit din ng fire boat na nakapwesto naman sa Manila Bay. 

Tumulong na rin ang ilang residente sa pag-apula ng apoy gamit ang mga balde at lumang refrigerator na nilagyan ng tubig. 

Binutas din nila ang pader sa pagitan ng residential area at MICT para agad makalikas. 

“Pagtayo ko malaki na yung sunog doon bandang dulo kaya diretso kaming tayo ito lang nabitbit namin. Mahirap sir umpisa nanaman,” kuwento ng residenteng si Ellan Ducog na iilang damit lang ang naisalba. 

Laking pasasalamat naman ng residenteng si Jessa Camacho na ligtas sila ng isang taong gulang na anak na si Jared.

Natupok daw ang mga gamit na pinaghirapan nilang mag-asawa.

“May sumigaw lang po sa amin na may sunog tapos nung paglabas namin ng bahay malaki na po yung apoy kaya lumabas na kami kasi magkakadikit lang bahay sir. Mahirap po sir kasi wala po kaming mga kapamilya ng asawa ko nasunugan din po lahat,” ani Camacho. 

Sa kasagsagan ng sunog, nagawa pang magnakaw umano ng ilang kabataan. 

Laking gulang ni Jinette Hellio na maraming paninda sa kanyang sari-sari store ang natangay matapos silang lumikas.

“Ang daming pumasok dito sa loob ng bahay na hindi ko kilala mga binatilyo yung iba hindi ko alam kung sino nagbuhat ng iba naming paninda. ‘Yung mga kunwaring tumulong sa ano namin sana ibalik sa amin iba naming paninda,” sabi ni Hellio. 

Inabot ng mahigit dalawang oras bago tuluyang naapula ang apoy. 

Ayon sa BFP, umabot sa siyamnapung pamilya ang naapektuhan ng sunog. 

Aminado ang mga awtoridad na naging pahirapan ang kanilang operasyon. 

“Napakaliit ng daanan eskinita lang po ang mga tao napakarami so palabas ang mga tao kami papasok that’s why po naboblock kami for immediate fire supression po. Doon naman sa may MICT area napakataas po ng bakod kaya kailangan pa po namin gumamit ng ladder para maka access kami for fire fighting operations po,” ani Fire Sr. Insp. Alejandro Ramos, ang intelligence and investigation chief ng Manila Fire District. 

Inaalam pa raw ng BFP ang sanhi ng apoy na nagsimula sa dalawang palapag na bahay. 

Ang isa sa tinitingnan nilang sanhi nito ay nag-overheat na appliances.

“Ang sinasabi po nila nagsimula ito sa appliances pero hindi po kami roon nagrerelay we will conduct our own investigation regarding po dyan. We will get ashes and debris and also the electrical wirings for examination sa aming national office,” dagdag ni Fire Sr. Insp. Ramos. 

—VAL, GMA Integrated News