Kritikal ang isang anim na taong gulang na bata matapos umanong bugbugin siya ng ina ng kanyang kalaro sa Caloocan City.

Kuwento ng mga kaanak ng biktima, pumunta raw ang batang si Elisha sa bahay ng kaibigan niya para maglaro, ayon sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Lunes.

Pero nang makita ulit nila ang bata ay wala na siyang malay, duguan ang ulo, at may mga pasa sa katawan.

"Halos ‘di ko makilala ‘yung pamangkin ko kasi namamaga ‘yung mukha, namamaga ‘yung mata. Tapos ang daming pasa," kuwento ng tiyahin ng biktima.

"Nakakapanlumo kasi hindi nga namin sinasaktan ‘yung bata tapos ganu'n ‘yung gagawin sa kanya," dagdag niya.

Inaresto na ng mga awtoridad ang suspek.

Ayon sa pulisya, mismong ang anim na taong gulang na anak ng suspek ang nagturo sa nanay niya.

Idinetalye pa raw nito kung paano sinaktan ng kanyang ina ang kanyang kaibigan.

"According to the statement of the witness, pumasok daw ‘yung mama niya and then, no apparent reason, inuntog-untog daw ‘yung kalaro niya sa bowl. Apat na beses then, binuhat at inuga-inuga," ani Police Captain Romel Caburog, Hillcrest Police Sub-Station commander.

Narinig daw ng kapatid ng suspek ang mga sigaw sa bahay at nang puntahan niya ito ay nakita niya ang biktima na nakahandusay at nagsusuka ng dugo.

Isinugod sa ospital ang biktima na nagtamo ng malalalim na sugat sa ulo at iba pang parte ng katawan.

Naoperahan ang biktima nitong Linggo at kritikal pa rin ang kanyang kalagayan ngayong Lunes.

Sinubukan ng GMA Integrated News na kuhanin ang panig ng suspek pero hindi na siya nagbigay ng pahayag.

Inaalam pa ang motibo sa ginawang pananakit.

"‘Yun ang tinitingnan pa rin natin ngayon — bakit niya nagawa sa bata... Pero based sa investigation natin, tinanong natin ‘yung nanay ng suspek natin... May record siya na may mental disorder," ani Caburog.

"Kung anuman dahilan niya, for me, hindi reasonsable ‘yun to do that sa pamangkin ko... Baby ko 'yun. Baby namin 'yun. Sobrang sakit. Sobrang sakit sa amin... Lumalaban pa rin siya. Lumalaban siya sa buhay niya," ani tiyahin ng biktima.

Mahaharap sa frustrated murder ang suspek na nakakulong sa Hillcrest Police Sub-Station. —KG, GMA Integrated News