Sinabi ni Senador Raffy Tulfo na ang anak niya na si Quezon City 2nd District Representative Ralph Wendel Tulfo, ang kongresista na sinita at tiniketan dahil sa pagdaan sa EDSA Busway.
"Pinagalitan ko at nag-sorry siya sa akin. Ang sabi ko, 'Mag-apologize ka sa lahat.' And that’s it," pahayag ng senador sa ambush interview nitong Martes.
Idinagdag ni Tulfo na naka-convoy ang sinitang sasakyan ng kaniyang anak.
"Ang pagkakaalam ko... nagmamadali siya. 'Yung driver niya yata ang pumasok doon sa bus stop. At pinagalitan ko siya, pinagsabihan ko," patuloy ng senador.
"In-admit naman niya. Hindi naman siya nagsinungaling at nag-apologize siya. So wala akong nakikitang problema doon as long as hindi siya tumakas, hindi siya gumamit ng plakang otso, which karapatan niyang gumamit. Pero hindi siya gumamit. It just shows na hindi siya abusado," dagdag ni Tulfo.
Unang iniulat na isang convoy ng kongresista ang sinita ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ng Department of Transportation, dahil sa paggamit ng EDSA Busway noong January 23.
Hindi tinukoy noon ng SAICT kung sino ang sinitang mambabatas.
Batay sa patakaran ng DOTr, ang mga sasakyan lang na pinapayagang gumamit ng EDSA Busway ay ang mga sumusunod:
- Mga LTFRB-authorized buses, pati na ang mga may special permits o franchises para sa EDSA Buswayroute;
- On-duty na mga ambulansiya, fire trucks, at Philippine National Police vehicles;
- Mga service vehicles na tungkol sa EDSA Busway Project, tulad ng construction, security, janitorial, at maintenance;
Mga sasakyan na may sakay na mga sumusunod na opisyal ng gobyerno:
- President of the Philippines
- Vice President of the Philippines
- Senate President
- Speaker of the House of Representatives
- Chief Justice of the Supreme Court
Ang mga mahuhuling motorista na walang pahintulot na dumaan sa EDSA Busway ay maaaring pagmultahin ng:
- First Offense: P5,000 fine
- Second Offense: P10,000 fine, one-month suspension ng driver’s license, at mandatory road safety seminar
- Third Offense: P20,000 fine at one-year na suspension sa lisensiya
- Fourth Offense: P30,000 fine at posibleng bawian ng lisensiya. — mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News
