Handa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagbigyan ang gusto ng China na alisin sa Pilipinas ang Typhon missiles ng Amerika pero may inilatag siyang mga kondisyon.

Ginawa ni Marcos ang pahayag nitong Huwebes bilang reaksyon sa sinabi ni Chinese foreign ministry spokesperson Mao Ning tungkol sa Pilipinas na dapat umanong ituwid ang mga pagkakamali ng bansa “as soon as possible” sa pamamagitan ng pag-alis sa mga naturang missile launcher na iniulat na inilipat ng lugar.

“Well, I don’t understand the comments on the Typhon missile system. We don’t make any comments on their missile systems, and their missile systems are a thousand times more powerful than what we have,” sabi ni Marcos sa mga mamamahayag.

"Let’s make a deal with China: Stop claiming our territory, stop harassing our fishermen and let them have a living, stop ramming our boats, stop water cannoning our people, stop firing lasers at us, and stop your aggressive and coercive behavior, and I'll return the Typhon missiles. Itigil nila ‘yung ginagawa nila, ibabalik ko lahat ‘yan,” dagdag niya.

Iniulat kamakailan ng Reuters, na sinabi ng isang senior Philippine government source na inilipat ng lugar ang pinaglalagyan ng Mid-Range Capability missile system ng US na dating nasa Laoag airfield.

Ayon pa sa ulat, ang Tomahawk cruise missiles na ilalagay sa naturang missile launchers ay kayang patamaan ang target na nasa China at Russia mula sa Pilipinas.  Habang ang SM-6 missiles ay kayang patamaan ang air o sea targets sa layong 200 kilometers.

Idinagdag pa umano ng Philippine official, na ang paglilipat ng posisyon o lugar ng mga missile lauchers ay bahagi ng pagsasanay kung gaano kabilis naalis ang mga ito sa puwesto.

Gayunman, sinabi naman ng Philippine Army na hindi gagamitin ang Typhon missile launchers sa mga isasagawang live-fire exercises sa darating na mga military drills.

Una rito, kinondena ng Armed Forces of the Philippines ang naturang pahayag ng China, at igiiit na, “no single entity who can dictate how we would do our deployments in terms of our defenses.” — mula sa ulat ni Vince Angelo Ferreras/FRJ, GMA Integrated News