Nasawi ang isang babaeng piloto nang bumagsak ang pinapalipad niyang helicopter sa isang sapa sa Guimba, Nueva Ecija. Ayon sa mga residente, tinangka nilang sagipin ang piloto pero mahigpit at hindi nila maalis ang seatbelt nito habang nakalubog sa lampas-taong tubig.
Sa ulang ni Vonne Aquino sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Linggo, sinabi ng residente na si George Lutao na pilit hiniwa ang seatbet ng piloto na labis umano ang higpit. Bukod sa lampas-taong tubig, hanggang tuhod din umano ang putik sa sapa.
“Sabi ng pulis sisirin na namin para ma-rescue yung sakay. Kaya yun, hinahanap-hanap namin tapos ako nga yung nakakita sa kaniya, nahawakan ko siya. Hiniwa namin yung seatbelt, mahigpit, kung naalis 'yon may posibilidad siyang nakalabas,” ayon kay Lutao.
Bumagsak ang helicopter na RPC 3424 dakong 5:00 pm nitong Sabado sa sapa na malapit sa palayan.
Nasawi ang 25-anyos nitong babaeng piloto na naghatid umano ng pasahero sa Baguio mula sa Maynila dakong 10:22 a.m.
Mula sa Baguio, lumipad ito at lumapag sa Binalonan, Pangasinan dakong 12:05 p.m. para sa refueling.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio, sinabing nahirapan ang helicopter na mag-start sa Binalonan, pero nakalipad din dakong 4:30 p.m.
Ngunit hindi na ito nakabalik sa home base dahil bumagsak na sa Guimba.
Dakong 7:04 p.m. hanggang 7:14 p.m., nang makatanggap ang Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center ng alerto mula sa emergency locator transmitter ng bumagsak na helicopter.
Ayon kay Apolonio, nakalagay ang transmitter sa likod ng helicopter na mag-a-activate kapag bumagsak kaya matutukoy kung nasaan ito.
Dahil sa insidente, hindi muna maaaring paliparin ang iba pang katulad na sasakyan ng LionAir Inc. charter service aircraft upang masuri ang mga ito bilang bahagi ng gagawing imbestigasyon.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang LionAir Inc, ganoon din ang pamilya ng nasawing piloto.— FRJ, GMA Integrated News
