Patay ang isang security guard matapos barilin ng kaniyang kapuwa sekyu sa kanilang pinapasukan sa Antipolo City. Ayon sa pulisya, nagalit ang suspek sa biktima na papalit dapat sa duty niya dahil na-late ng kalahating oras ang pasok.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na hindi umano iyon ang unang bases na na-late ng pasok ang biktima.
“Yung suspek natin parang buong araw nang nagdu-duty. Initially, sabi niya, parang araw-araw na late yung kasama niya,” ayon kay Police Leiutenant Colonel Ryan Manongdo, hepe ng Antipolo City Police.
Pero ang suspek na sumuko sa mga awtoridad, may ibang dahilan kaya raw niya binaril ang biktima.
“Pinagalitan po kami. Dala po ng galit, pati sa pagbabanta niya sa akin pati sa pamilya ko. Sa akin wala naman pong problema, pero ayaw kong nadadamay pa yung pamilya ko,” paliwanag niya.
Nabawi ng mga awtoridad ang baril na ginamit ng suspek sa krimen. Nahaharap siya sa reklamong homicide, pero pinag-aaralan kung aabot sa kasong murder na walang piyansa. --FRJ, GMA Integrated News
