Dumating sa bansa ang 299 na mga Pilipino na mula sa Dubai, United Arab Emirates kaninang Huwebes ng umaga sa gitna ng kaguluhan sa Middle East.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing dumating ang mga kababayan dakong 6:45 a.m. sa NAIA Terminal 3.
Sa nasabing bilang, 23 sa kanila ay mga overseas Filipino workers.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kasama sa mga tulong na kanilang ibinibigay sa mga umuwi ang pansamantalang tutuluyan, pagbayad ng pamasahe at financial assistance sa mga Pilipino.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na magpapatuloy ang repatriation efforts para sa mga Pilipinong nananatili sa Middle East sa gitna ng kaguluhan sa rehiyon.
Sa isang pahayag ng DWM, sinabing kabilang sa mga nakauwi ang isang mag-asawang na pinayagan ng kanilang mga amo na bumalik na muna sa Pilipinas.
Nagpasalamat ang mag-asawa sa tulong ng pamahalaan para ligtas silang makauwi ng Pilipinas, kasama ang kanilang dalawang anak, at biyenan. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
