Arestado ang isang lalaki matapos niya umanong tangayin ang isang motorsiklong kapaparada lang sa isang botika sa Sta. Cruz, Maynila.
Sa kuwento ng pulisya, bibili sana noon sa isang pharmacy sa Fugoso Street ang 19-anyos na babaeng biktima.
Ipinarada niya ang kanyang motor ngunit nakalimutan niyang alisin ang susi nito.
Nang balikan na niya ang kanyang motor, nakasakay na rito ang suspek na mabilis na tumakbo.
Napasigaw umano ng saklolo ang biktima at sakto naman na nagsasagawa noon ng anti-criminality campaign sa lugar ang Alvarez Police Community Precinct.
Hinabol ng anim na pulis ang suspek.
Agad nilang nabawi ang motor mula sa suspek pero nakatakbo pa siya papalayo.
Tumagal ng limang minuto ang habulan hanggang sa makorner na siya ng mga awtoridad at ilang residente sa bahagi na ng P. Guevarra Street.
Nakuha sa suspek ang isang caliber .38 na revolver na walang mga dokumento at loaded ng bala.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, dati nang nakulong ang suspek sa iba't ibang kaso kabilang na ang ilegal na droga.
Posible rin umanong sangkot siya sa gun for hire service o sa gun running activities.
Posible rin daw na nangangarnap ang suspek at ang sasakyan na makukuha niya ang gagamitin sa iba pang krimen.
"Maaari pong ginagawa rin nila ito na mangangarnap muna o makakakuha ng mga pagkakataon na ganyan tapos 'yung gagamitin nilang motor, gagamitin din sa iba iba pang krimen," sabi ni Police Major Arnold Lising, commander ng Alvarez PCP, Manila Police District-3.
Nasa kustodiya na ng Sta. Cruz Police Station ang suspek na mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, paglabag sa Omnibus Election Code o gun ban, at carnapping.
Tumanggi siyang magbigay ng pahayag. —KG, GMA Integrated News
