Nasawi ang 22-anyos na babaeng angkas sa isang motorsiklo matapos umanong mabangga ito ng oil tanker sa Elliptical Road sa Quezon City bago mag-ala una ng madaling araw nitong Martes. Ang rider na nobyo ng nasawi, nakaligtas at minor injuries lang ang tinamo.
Kuwento ng rider, galing silang Valenzuela at patungo sa Quezon Memorial Circle nang mangyari ang aksidente.
“Nandoon na po kami sa tapat ng Circle. Liliko na lang po sana kami. Hindi po nagdahan-dahan 'yung truck sa likod. Nakita naman po. Malayo pa lang po, naka-signal light na ako eh,” sabi ng rider, na nagtamo ng galos sa kamay at paa.
Malungkot na hawak-hawak ng rider ang pares ng tsinelas ng kanyang nasawing girlfriend.
Galing naman sa Valenzuela City ang oil tanker na magde-deliver ng diesel sa Taytay, Rizal.
“Biglang sumulpot siya. Ang tulin. Binusinahan ko na siya nang husto. Tuloy-tuloy pa rin siya. Hindi siya nag-respond. Umiwas ako eh. Tumama pa nga ako sa gutter. Iniwas ko ito,” giit ng driver ng oil tanker.
Labis ang paghihinagpis ng nanay at mga kaanak ng biktima.
Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District Traffic Sector 3 ang driver ng oil tanker na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, damage to property, at physical injury.
Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ngayong araw ang driver ng oil tanker. —KG, GMA Integrated News