Arestado ang isang lalaki sa Pasig City dahil sa pagnanakaw ng mga metro ng tubig sa Barangay Pinagbuhatan. Aminado ang suspek sa krimen at sinabing binebenta niya ang mga ninakaw na metro.

Nakita sa CCTV ang isang lalaki na nagtutulak ng kaniyang sidecar na may lamang mga kalakal sa kahabaan ng M. H. Del Pilar Street sa Barangay Pinagbuhata pasado alas-dose ng madaling araw noong Hulyo 18.

Tila sinusuri niya ang mga nakatambak sa gilid ng kalsada.

Pero ang lalaki, nagmamasid-masid na raw pala niyan bago magnakaw, ayon sa barangay.

Makalipas ang dalawang oras, pumasok ang lalaki sa isang compound, bitbit ang isang sako.

Dumiretso siya sa puwesto ng mga metro ng tubig at saka niya ito isa-isang kinalikot at tinanggal.

Nakuha niya ang dalawang metro ng tubig na pagmamay-ari ng magkapitbahay na sina Thelma at Lovely Sequeña.

Nagulat na lang daw sila nang mawalan sila ng suplay ng tubig.

“Paggising ko sa umaga, siyempre maliligo kami. Papasok kami eh. Nagulat kami, walang tubig. Expected namin, pinatay lang. Kaso pagtingin namin mga walang metro," kuwento ni Thelma.

Doon na raw sila nag-review ng mga CCTV ng kanilang kapitbahay at saka nalaman na ang kanilang mga metro, ninakaw na pala.

“Sobrang bilis niyang binaklas 'yung metro namin. Talagang parang bihasang-bihasa siya. Buti nga po, dalawa lang 'yung nakuha. Magpapangatlo pa po siya kaso nga lang nu'ng naluwagan niya 'yung pangatlo, may dumaan po na tao kaya hindi na niya nakuha," ani Lovely.

Mahigit isang linggo na raw silang nagtitiis sa kawalan ng suplay ng tubig.

“Timba-timba po muna kami dahil po diyan sa perwisyong nangyari na pagnanakaw na 'yan. Nagtitiyaga po muna kami magsalok. Limang piso isang timba," sabi ni Lovely.

Ayon sa barangay, humigit-kumulang 50 kabahayan ang ninakawan ng metro ng tubig nitong nakalipas na tatlong buwan.

Isang grupo ng mga lalaki raw ang nagnanakaw.

“Nakikita po namin, 'yung pinaka lock nu'ng mga knot para mabaklas mo 'yung metro, tinatanggal nila 'yun," sabi ni Arcie Lucas, kagawad ng Barangay Pinagbuhatan.

“Tapos meron silang dalang mga tools, tubo, katala, kung sakali na mahirap tanggalin. Meron naman na nakita natin sa CCTV na kamay lang ang pinagpipihit nila. So talagang mga sanay na sanay sila,” dagdag niya.

Minanmanan daw nila ang mga suspek hanggang sa mahuli ang isa sa kanila noong Hulyo 19.

Nasa kustodiya na ng Pasig City Police ang suspek na sinampahan ng reklamong theft.

Wala siyang pahayag sa medya.

“Nakuha daw niya 'yun, nakalakal niya. Pero kasi buo pa 'yun eh. So 'yun, tumatanggi pa siya pero nu'ng sinabi namin na, 'Meron nang CCTV kaming nakita na ikaw at 'yan pa rin ang suot mo nu'ng nag-iikot ka,' so 'di na siya nakatanggi. Hindi na siya nangatwiran," ani Lucas.

Umamin din daw ang suspek na ibinebenta niya ang mga ninakaw na metro ng tubig sa halagang P480 kada tatlong piraso o kada kilo.

Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa iba pang nagnanakaw ng metro ng tubig.

Ayon sa barangay, nakipag-ugnayan na sa kanila ang Manila Water at makikipagtulungan daw ito sa reklamong isasampa laban sa suspek. —KG GMA News