Isang babaeng motorcycle rider ang patay matapos siyang sumalpok sa nakahintong truck sa Cainta, Rizal. Ang truck driver, nanindigang wala siyang pananagutan sa insidente.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita sa CCTV ang isang truck na huminto sa Felix Avenue bandang alas-10 ng gabi nitong Miyerkoles.
Pinadaan niya muna ang motorsiklo na dumaan sa pedestrian lane sa kaniyang harapan.
Ilang saglit pa, bumangga sa likurang kanang bahagi ng truck ang isang humaharurot na motorsiklo at tumilapon ang babaeng rider.
Wasak ang motorsiklo sa lakas ng pagkakabanga, at sumabit pa ang helmet ng rider sa likod ng truck.
Agad dinala sa ospital ang biktima, pero idineklarang dead on arrival.
Sinabi ng pulisya na bagama’t lumalabas na self-accident ang insidente, hinuli pa rin nila ang truck driver.
“Ni-refer pa rin namin ‘yung kaso ng reckless imprudence resulting in homicide and damage to property laban doon sa driver ng truck. Bilang SOP kasi, ‘yun po talaga ang ginagawa namin. Hinahayaan naming ang piskalya ang magdecide,” sabi ni Police Chief Master Sergeant Rodel Asyao, investigator-on-case, Cainta Municipal Police Station.
Giit ng truck driver na wala siyang pananagutan sa insidente.
“Hindi ko naman po ginusto ‘yung nangyari. Wala po talaga akong kasalanan. Kitang kita naman po talaga sa CCTV na siya po ‘yung nasa likuran at siya po ‘yung sumalpok,” anang truck driver.
Sinusubukan pa ng GMA News na hingian ng pahayag ang mga kaanak ng biktima.
“Inaano nila ‘yung truck kung bakit ito huminto doon sa lugar na iyon. Pero tama lang din naman ang ginawa ng truck dahil hindi naman puwedeng sagasaan niya ‘yung nasa harapang motorsiklo,” sabi ni Asyao. —Jamil Santos/VBL GMA News
