Dead on the spot ang 16-anyos na lalaki matapos sumemplang ang minamanehong motorsiklo at magulungan ng 16-wheeler na truck sa Circumferential Road sa Brgy. San Roque, Antipolo City Lunes ng gabi.

Nangyari ang insidente pasado alas-10 ng gabi.

Matulin umano ang takbo ng motorsiklo, ayon sa saksing tumangging pangalanan.

“Medyo mabilis po siya eh. Tapos nung pagkalampas po niya sa 'kin… nag-umpisa po siyang ma-wiggle sa daan hanggang sa nasemplang siya. ‘Yun naghiwalay po ‘yung motor saka ‘yung katawan niya napunta po sa kabilang lane. 'Yun po, bigla siyang nadaanan nung truck sa bandang likod na po ng gulong,” pahayag nito.

Idinagdag ng saksi na ilang metro pa raw ang itinakbo ng truck bago niya napara at nasabihan ang driver tungkol sa aksidente.

Ayon sa driver, hindi niya napansin na pumailalim pala sa minamaneho niyang truck ang nakasalubong niyang sumemplang na motorsiklo.

“Umiwas pa nga ako ma'am. Ang alam ko, hindi ko nasagi. ‘Yun pala tumama. Paakyat ako, palusong siya. Bumaliktad siya. Kaya nag-rolling-rolling, pumunta sa likod na part, sa likod ng gulong ko sa trailer bed kaya nasagasaan,” sabi ng truck driver.

Galing daw sa Pasig ang truck na kargado ng mahigit 36 tonelada ng mais na ide-deliver sana sa Teresa, Rizal. 

Sa imbestigasyon ng pulisya, walang lisensiya ang nasawing rider na residente Brgy. Sta. Ana sa Taytay, Rizal. 

Pauwi na umano ang binatilyo matapos kumain kasama ang ilang kaibigan, ayon sa kaniyang kaanak.

“Masakit eh, bilang pinsan, parang hindi na makilala ‘yung itsura. Panawagan lang po namin sa kamag-anak n’yo na pananagutan n’yo ‘yung nangyari,”  ayon kay Jeric Amoranto, pinsan ng biktima. 

Humingi naman ng tawad ang truck driver sa pamilya ng biktima.

“Humihingi po ako ng dispensa. Hindi ko naman po sinasadya. Katulad ko rin, meron din akong anak na nasagasaan nang ganun. Kaya humihingi ako sa mga pamilya na patawarin ako,” sabi ng truck driver. 

Nakakulong sa custodial facility ng Antipolo Component City Police Station ang truck driver.

Mahaharap siya sa reklamong reckless imprudence resulting in damage to property and homicide.—AOL, GMA Integrated News