In-impeach ng Kamara de Representantes nitong Miyerkules si Vice President Sara Duterte matapos suportahan ng 215 kongresista ang verified complaint (na ika-apat na impeachment complaint) laban sa pangalawang pangulo.
Dahil dito, si Duterte ang unang bise presidente ng bansa na in-impeach ng Kamara. Inaprubahan ni Speaker Martin Romualdez ang reklamo laban kay Duterte na ipadadala sa Senado upang isagawa ang impeachment trial.
Didinggin sa Senado bilang impeachment court kung may basehan ang mga reklamo laban kay Duterte, at kalaunan ay magpapasya kung dapat ba siyang alisin o hindi sa kanilang puwesto bilang bise presidente ng bansa.
Sa verified complaint na inaprubahan sa plenaryo ng Kamara, nakasaad na in-impeach si Duterte, "based on the grounds of Culpable Violation of the Constitution, Betrayal of Public Trust, Graft and Corruption, and Other High Crimes."
Ang suporta ng 215 kongresista ay higit na sa one-third ng 306 na kasapi ng Kamara para ipadala ang reklamo sa Senado, base sa isinasaad sa Saligang Batas.
TIMELINE: Impeachment bid vs. VP Sara Duterte
Malaking bahagi ng reklamo ay nag-ugat sa kinalabasan ng pagdinig na isinagawa ng House good government and public accountability committee, kaugnay sa paggamit ni Duterte ng confidential funds sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na dati niyang pinamunuan din.
Lumitaw sa naturang mga imbestigasyon na kaduda-duda umano at hindi maipaliwanag ang mga isinumiteng acknowledgement receipts sa Commission on Audit (COA), na may mga maling petsa, walang birth records ang mga nakapirma, walang pangalan sa pirma, hindi mabasang pangalan at iba pa.
Samantala, nagpasya ang liderato ng Kamara na i-archived na lang ang naunang tatlong impeachment complaints na inihain laban kay Duterte noong Disyembre.
Impeachment prosecutors
Samantala, ang mga kongresista na itinalagang impeachment prosecutors ng Kamara na uusig kay Duterte sa impeachment trial sa Senado ay sina:
- Batangas Rep. Gerville Luistro
- Antipolo Rep. Romeo Acop
- Manila Rep. Joel Chua
- 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez
- Ako Bicol party-list Rep. Raul Bongalon
- General Santos Rep. Loreto Acharon
- 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan
- Oriental Mindoro Rep. Arnan Panaligan
- Taguig Rep. Isabel Maria Zamora
- Iloilo Rep. Lorenz Defensor at
- Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores
Huling nagsagawa ng impeachment trial sa Senado bilang impeachment court noong 2012 nang i-impeach si dating Chief Justice Renato Corona.
Nagdesisyon ang impeachment court na guilty si Corona sa bintang na betrayal of public trust and culpable violation of the Constitution dahil sa kabiguang ihayag ang kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), na naging dahilan para tanggalin siya bilang punong mahistrado. — mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News