Gulpi ng mga tao at kulong ang inabot ng isang lalaking nagtangka umanong dukutin ang dalawang batang mag-aaral sa labas ng isang paaralan sa Maypajo, Caloocan nitong Martes ng umaga.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras,” sinabi ng isang tanod sa Barangay 35 na nakita niya ang suspek na may hinahatak na bata kaya tinanong niya ito.
“Nung time na naka-duty ako, nagta-traffic, nakita ko na hinahatak niya yung bata, kaya lumapit ako. Nung tinatanong ko, sabi niya, anak niya raw po ‘yun, sinusundo niya raw po. Ngayon, nung tinanong ko yung bata, [ang sabi niya] ‘Hindi ko po tatay ‘yan, huwag niyo po ako ibigay.’ Yumakap po sa akin yung bata,” ayon sa tanod na si Bernie Nacubuan.
Nabahala naman ang mga magulang sa nangyari sa kanilang mga anak dahil katapat lang ng barangay hall ang paaraalan.
“Nakauwi pa po sa amin, umiiyak na may kumukuha daw sa kanya na hindi niya kilala. Mabuti na lang nakasigaw daw siya,” sabi ni Lorenzo De Guzman, ama ng isa sa mga bata.
“Nung kinausap ko po siya kanina, tulala siya. Sabi ko, ‘Ano ba ginawa sa’yo?’ Hinawakan daw siya rito, sabi niya hindi niya kilala, pumiglas siya, tumakbo na raw siya,” sabi naman ni Reggie del Mundo, magulang ng isa pang bata.
Ayon sa barangay chairman na si Arnold Arenas, idinahilan umano ng suspek na na-miss niya ang kaniyang asawa at anak kaya tinangka nitong kunin ang mga bata.
“Yung suspek po kanina, habang ini-interview siya, taga-Maynila, dumayo po. Okay naman po siya sumagot, ang sabi niya lang po sa amin kanina, nami-miss niya yung mga anak niya, parang mababaw na katwiran,” sabi ni Arenas.
Isinailalim na sa booking procedure sa Caloocan City Police’s Women and Children’s Desk ang suspek, at sasampahan ng reklamong attempted kidnapping sa Miyerkules.--FRJ, GMA Integrated News