Kalahating milyong unit ang target na maibenta sa Pilipinas ng mga gumagawa ng sasakyan ngayong 2025.
Inihayag ito ng Chamber of Automotive Manufacturers in the Philippines Inc. (CAMPI) kasunod na rin ng 7.00% na pagtaas ng naibentang sasakyan noong 2024 na umabot sa 467,252 unit.
Tiwala ang CAMPI na makakamit nila ang target dahil na rin sa mga lumalabas na mga bagong modelo ng mga sasakyan.
“Newly rolled out models and anticipated introduction of new models are some of the factors that will contribute to achieving this target,” sabi ni CAMPI president Atty. Rommel Gutierrez sa inilabas na pahayag nitong Huwebes.
Ginawa ang naturang pahayag matapos din na ilabas ang joint report ng CAMPI at Truck Manufacturers Association of the Philippines (TMA), na 37,604 units ang naibetang sasakyan ngayong Enero.
Ang naibenteng sasakyan ngayong Enero ay mas mataas ng 10.4% mula sa 34,060 units na naibenta noong Enero 2024, pero mas mababa ng 10.6% kumpara sa 42,044 units na naibenta noong December 2024.
Karamihan umano sa 1,445 units na naibenta sa buwan ng Enero ay mga hybrid electric vehicles (HEVs), na sinundan ng 146 battery electric vehicles (BEVs), at siyam na na plug-in hybrid electric vehicles (PHEVs).
Umabot naman sa 29,875 unit ang commercial vehicles na naibenta nitong Enero, na may may 79.45% market share at nagpapakita ng 16.6% na paglago mula sa 25,614 unit na naibenta noong Enero 2024.
Kinabibilangan ito ng 6,698 unit ng Asian utility vehicles (AUVs); 22,350 light commercial vehicles; 497 light-duty trucks at bus; 261 unit ng medium-duty trucks at bus; at 69 heavy-duty trucks at bus.
Ang Toyota Motor Philippines Corp. ang may pinakamalaking bahagi ng naibentang mga sasakyan na 48.07%, sumunod ang Mitsubishi Motors Philippines Corp. na may 19.61%, Nissan Philippines Inc. na may 6.29%, Suzuki Philippines Inc. na may 4.74%, at Ford Group Philippines na may 4.19%. — mula sa ulat ni Jon Viktor D. Cabuenas/FRJ, GMA Integrated News
