Bigo ang Gilas Pilipinas sa kanilang laban sa Chinese Taipei, 91-84, sa third window ng FIBA Asia Cup qualifiers na ginanap sa Taipei Heping Basketball Gymnasium nitong Huwebes.
Naghabol ang Pilipinas sa third quarter sa iskor na 71-61 matapos na limitahan ng Chinese Taipei ang Gilas sa 16 puntos lang sa nasabing yugto ng laban.
Nagawa naman ng Gilas na makabalik sa kalamangan sa fourth quarter sa iskor na 80-79 nang makapagtala ng 19-8 ratsada ang Pilipinas mula sa tirada ni Justin Brownlee na 11 puntos.
Pero naagaw ng Chinese Taipei ang kalamangan sa free-throw ni Ting Chien-Lin, na kaagad na sinagot ni Chris Newsome sa kaniyang jumper para magbigay ng 82-81 na abante sa Pilipinas.
Mabilis namang sumagot si Ting Chien-Lin ng isang triple upang muling ilagay ang Chinese Taipei sa unahan. Isang basket ni Brandon Gilbeck ang nagbigay ng apat na puntos na kalamangan para sa koponan ng Chinese Taipei, ngunit isang jumper ni AJ Edu ang nagbigay ng pag-asa sa Pilipinas na may natitirang 2:16.
Matapos ang rebound ni Brownlee sa 1:42, napunta ang bola sa kamay ng kalaban na naagaw ni Mohammad Al Bachir Gadiaga. Pero parehong hindi pumasok ang kaniyang triple at layup attempts bago nag-timeout ang Chinese Taipei.
Sa pagpapatuloy ng laro, sumablay din si Brownlee sa kaniyang tira na hindi na hihigit sa isang minuto ang natitirang oras sa laban. Habang naipasok naman ni Chun Hsiang Lu ang kaniyang tira na nagbigay sa Chinese Taipei ng 89-84 na kalamangan, na nagresulta sa timeout ng Pilipinas.
Ngunit nabigo rin si Dwight Ramos sa kaniyang final attempt, at si Gilbeck ang nagselyo sa panalo ng Chinese Taipei.
"The Chinese Taipei team was very impressive, we made a couple of runs at them, we were hoping they would crack, but they kept their composure. They kept making big shots and very impressive win by them and well-deserving," sabi ni coach Tim Cone sa press conference.
Sa first window ng qualifiers noong February 2024, pinaluhod ng Gilas ang Chinese Taipei sa iskor na 106-53.
Gayunman, may puwesto na ang Pilipinas para sa FIBA Asia Cup sa Agosto. Sa Pebrero 23, makakaharap nila ang Tall Blacks sa New Zealand. —JKC/FRJ, GMA Integrated News

