Ayaw paawat sa pagwawala at nagsisigaw ang 29-anyos na babae nang dalhin sa barangay hall ng San Roque sa Quezon City.
Pinosasan ang babae matapos mahulihan umano ng isang gramo ng kush at vape na may hinihinalang cannabis oil.
Ayon sa mga taga-barangay, nakatanggap sila ng tawag na nagwawala ang babae sa LTO extension office sa 20th Avenue.
“Nagulat na lang po kami. Pinagmumura kaming lahat. Sabi niya ‘nasi-cr ako’ after niya mag-cr, pagdating namin sa banyo nagsisigaw, nagwawala, pinagsisipa 'yung pintuan namin so nawarak po lahat ng gamit doon, nasira, 'yung bowl binasag niya din,” ani Kagawad Ramil Singson ng Brgy. San Roque.
Binato pa ng babae ang mga taga-barangay habang nasa loob siya ng comfort room.
Matapos niyan, binuhusan pa niya ng tubig ang printer, sinipa ang dalawang handheld radio, at sinampal ang isang lalaking estudyante.
Sa nirentahang sasakyan ng babae, nakuha ng mga awtoridad na nakasilid sa maleta ang ilang athletic uniform ng PNP.
Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District, napag-alaman na ilang oras bago ang insidente ay may nabanggang motorista ang babae sa EDSA na kanyang tinakasan.
Nagpanggap pa umano ang babae na isang pulis.
“According sa witness, naka-uniform siya athletic uniform ng pulis at nagsisigaw doon nagbabanta na 'pulis ako pagbabarilin ko kayo.' Nung dadalhin na siya sa Traffic Sector 3, tumakas siya, naiwan 'yung MMDA na nagresponde sa kanya,” ani Police Major Jovencio Solis Jr., deputy station commander ng Cubao Police.
Nang dalhin sa Cubao Police Station, hindi pa tumigil sa pagwawala ang babae kahit nasa detention facility na.
“Nasira niya ‘yung toilet bowl ‘yung dumi ngayon tinapon niya sa labas ng custodial facility natin, ‘yung dumi ng tao,” dagdag ni Solis.
Dalawang tao ang tinamaan ng dumi kabilang na ang isang pulis.
Itinanggi ng suspek na sinampal niya ang estudyante.
Hindi aniya siya nagpanggap na pulis.
Wala naman siyang pahayag ukol sa nakuhang droga.
Mahaharap ang suspek sa patung-patong na reklamo kabilang na ang physical injury, threat, usurpation of authority, unjust vexation, disobedience to a person in authority, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —AOL, GMA Integrated News
