Nasa ice cooler ang binti, nakabalot sa kutson ang katawan, at naaagnas na nang matagpuan ang isang biktimang napaulat na nawawala sa Caloocan City. Isa sa person of interest, ang tattoo artist na nakatira sa bahay kung saan natagpuan ang biktima.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, kinilala ang biktima na si Michael Dolina, 37-anyos, na kilala rin bilang si Shalani.
Tatlong araw na iniulat na nawawala si Shalani, bago umalingasaw ang kaniyang bangkay nitong Biyernes mula sa isang bahay sa Phase 10, Barangay Bagong Silang.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Mark Dolina, sinabi ng pulisya na person of interest ang tattoo artist na nakatira sa bahay kung saan natagpuan ang katawan.
Ayon naman sa nanay ng tattoo artist na nakapanayam ng GMA Integrated News, hindi rin niya umano alam ang kinaroroonan ng anak, ngunit pinasusuko na niya ito.
“Lumantad siya, sumuko siya. Kasi kung ano man ‘yung nagawa niya, kung bakit niya nagawa, dapat hindi niya ginagawa. Kasi pinalaki ko naman siya nang buong pagmamahal. Halimbawa, kung makulong na siya, hahatiran ko na lang siya ng pagkain, magkikita pa rin kami,” sabi ng ina ng tattoo artist.
Ngunit suspetsa ng kapatid ng biktima, hindi lang isang tao ang suspek sa pagpatay kay Shalani.
“Kahit sabihin mong kahit gaano kakalakas, hindi mo kaya gawin mag-isa ‘yung gano’ng bagay. Kaya sigurado ako may kasama ‘yung gumawa noon. Kasi nakita po ng pulis, may saksak daw sa likod, tapos may laslas sa leeg. Balak siguro itago, tapos noong nakita, nakahubad na rin siya ng damit. Hindi ko alam kung anong ginawa nila,” sabi ni Mark Dolina.
Hindi alam ng kaanak nina Dolina at ng tattoo artist tungkol sa relasyon ng dalawa.
Nasa punerarya ang mga labi ni Shalani, na planong iburol sa bahay nila sa San Jose del Monte, Bulacan.
“Nakakalungkot lang sir. Ginawa nilang baboy ‘yung kapatid ko,” sabi ni Mark.
“Napakawalanghiya nila. Hindi makatao ‘yun. Sumuko na kayo,” dagdag niya.
“Napakabuti niya talaga sir, kahit sa magulang namin sir. Nakakalungkot lang sir,” sabi ni Mark.
Sinabi ng North Caloocan Police na wala pang linaw sa motibo ng pagpatay.
Ngunit sa kasalukuyan, dalawa hanggang tatlo ang nakikita nilang persons of interest sa kaso, ang tattoo artist at ang tiyuhin nitong construction worker.
"Posible po na nag-iinuman sila that time. Continuous ‘yung manhunt operations natin against dito sa mga persons of interest natin na ito. Murder po ang posibleng kaharapin na kaso nito," sabi ni Police Captain Nelson Dizon, Assistant Chief, Investigation and Detective Management Section ng North Caloocan Police. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
