Nasawi ang isang 69-anyos na lalaki matapos siyang tumilapon nang ma-hit and run ng isang kotse habang tumatawid sa Marcos Highway sa Antipolo City. Ang nakabundol na suspek, sumuko makaraan ang limang araw nang maganap ang insidente.
Sa ulat ni EJ Gomez sa "Unang Balita" nitong Martes, sinabi ng mga kaanak ng biktima na bibili lang dapat ng sigarilyo at pandesal ang biktima nang maganap ang insidente.
Narekober sa crime scene ang nakalas na side mirror ng pulang sasakyang nakabundol sa biktimang senior citizen.
Lumabas sa follow-up investigation na nakunan sa CCTV ang sasakyan ng suspek, at agad itong ipinakalat ng Antipolo Police upang mabilis siyang matukoy.
Bago lumipas ang 24 oras, nakatanggap ng impormasyon ang Antipolo City Police na isang tao ang naghahanap ng side mirror na kakulay ng isang partikular na brand ng sasakyan, sa isang social media group na nagbebenta ng mga parte ng sasakyan.
Natuklasang ang nag-post ay isang may-ari ng car repair shop, na pinuntahan ng nakasagasang driver.
Mula sa impormasyong ibinigay ng suspek sa shop, natuklasan ng pulisya ang pagkakakilanlan nito.
“Ang kagandahan para itong Cinderella, dala ng mga investigator natin ‘yung nawawalang side mirror at it perfectly fit doon sa sasakyan na suspected po natin,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, chief ng Antipolo City Police.
Ayon sa 47-anyos na driver, hindi niya inakalang tao pala ang kaniyang nasagasaan.
“Hindi ko napansin. Madilim kasi ‘yung kalsada kasi. Naramdaman ‘yung kalabog pero hindi ko rin napansin na tao pala 'yung nasagasaan ko,” anang suspek.
Ayon pa sa kaniya, natuklasan lang niya online na plaka at sasakyan niya ang itinuturong nakasagasa sa biktima, dahilan ng pagsuko niya sa mga awtoridad.
Tumagal pa ng isang araw sa ospital ang biktimang si Oscar Carmona bago binawian ng buhay kalaunan.
“Sobrang sakit po eh. Parang nag-iwan lang siya ng hayop sa daan. Hindi man lang niya tinulungan 'yung tatay namin para madala po siya sa ospital noong araw na ‘yun,” sabi ng anak ng biktima.
“Panagutan niya 'yung dapat niya, panagutan sa tatay namin. Gusto lang po namin talaga hustisya para sa ginawa niya sa tatay ko,” sabi ng anak ng biktima.
“Sana maawa sila sa akin patawarin nila ako. Nagsisisi po dahil sa nagawa ko ng pagtakas, dapat tinulungan ko 'yung matanda,” sabi ng suspek.
Nahaharap ang suspek sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News
