Arestado ang umano'y lider at pitong miyembro ng isang robbery holdap at carnapping group nitong Biyernes ng gabi sa ikinasang magkakahiwalay na operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Metro Manila at Rizal.
Narekober sa operasyon ang walong motorsiklo at dalawang kotse, dalawang baril, mga bala, at mga damit. Dalawa sa mga motorsiklo ay ginamit umano ng mga suspek sa pag-holdap, ayon sa mga awtoridad.
Ayon sa Eastern Police District (EPD), nagkasa sila ng operasyon matapos makatanggap ng reklamo mula sa isang 20-anyos na lalaki na tinangayan ng kanyang motorsiklo at cellphone sa Barangay Tumana sa Marikina City nitong Huwebes ng madaling araw.
Kuwento ng biktima, lumabas sila ng kanyang nobya para bumili ng pagkain nang may tumigil sa harap nila na dalawang motorsiklo na may sakay na apat na lalaki.
“Tinutukan na po kami agad ng baril at saka pinababa na agad kami ng motor kaya tumalikod na lang po kami agad tapos yumuko na po kami agad," aniya.
Kaparehong-kapareho raw ito sa isa pang pang-holdap na nangyari noong May 18 sa Barangay Sto. Niño sa Marikina City.
Sa CCTV footage, kita ang tatlong motorsiklo na huminto sa tapat ng isang paaralan sa Santisimo Street.
Maya-maya, bumaba ang dalawang angkas habang tinutukan ng baril ang rider na biktima.
Napaupo na lang ang biktima sa gilid habang tinatangay ng mga salarin ang kanyang motor.
Hindi na nahagip sa CCTV ang mga sumunod na eksena pero habang naglalakad ang biktima, may nakatutok pa rin daw na baril sa kanya hanggang sa tuluyang makatakas ang mga suspek.
Sa tulong ng GPS ng cellphone ng lalaking nabiktima sa Barangay Tumana, natunton ng mga awtoridad ang mga suspek pati na ang mga sasakyan.
Naniniwala ang PNP na ang mga lalaking nahuli ay ang mga suspek din na tumangay sa motor ng biktima sa Barangay Sto. Niño.
“Mayroon naman pong pag-amin po at saka kung mapapansin n'yo, sir, du'n sa mga damit ay tumutugma naman po sila sa video po nakuha natin doon," saad ni Police Colonel Jenny Tecson, chief of police ng Marikina City Police Station.
“Criminal gang ng Taguig ito eh, si Paps kung tawagin nila, Paps group. So nagkataon lang na tayo 'yung nakakuha," sabi ni EPD District Director Melecio Buslig Jr.
"Ang operation nitong grupo na ito is NCR-wide eh. As far as Cavite, as far as Bulacan, tumitira sila... Since 2023, kung susumahin daw nila 'yung nakuha nilang motor eh more than 100 na," dagdag niya.
“Base du'n sa inisyal na nakuha po natin na impormasyon du'n sa isa po, ay kanilang dinadala po ito sa Mindanao. 'Pag mayroon na po silang nakuha na motorsiklo po ay sinasakay po nila 'yan sa pier," kuwento ni Buslig.
Nasa kustodiya na ng Marikina City Police Station ang mga suspek na mahaharap sa patong-patong na reklamo.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuhanan ng pahayag ang mga suspek. Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang kanilang kaanak.
Inaalam na rin ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga may-ari ng iba pang sasakyan para makapagsampa rin sila ng reklamo sa mga suspek.
Patuloy naman ang operasyon ng pulisya para mahanap ang iba pang miyembro ng grupo. —KG GMA News

