Arestado sa Tondo, Maynila ang isang 58-anyos na lalaki pagkaraan ng 10 taon dahil sa panggagahasa at pang-aabuso umano sa menor de edad na anak ng kaniyang dating live-in partner.
Depensa ng lalaki, hindi siya nagtago at siya pa ang nagsustento sa biktima at sa kapatid nito hanggang sa makapagtapos sila ng kolehiyo.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing naganap ang pang-aabuso umano sa biktima noong 2013.
Hanggang sa makatanggap ang pulisya ng intelligence report tungkol sa kinaroroonan ng akusado.
Umabot ng dalawang linggo ang surveillance sa suspek hanggang sa tuluyan na siyang madakip sa bahagi ng JP Rizal Street ng mga tauhan na Manila Police District na bitbit ang warrant of arrest.
“‘Yung charge niya, isang count ng rape and four count ng 7610. Well, noong nangyari 'yun is 14-years-old lang. So by now, ang alam ko is tapos na ng college ‘yung bata,” sabi ni Police Major Javen Dominguez, Deputy Station Commander ng MPD-1.
Natuklasan ng mga awtoridad na nagtatrabaho ang akusado bilang associate sa isang law firm.
Ngunit sabi naman ng lalaki, hindi siya nagtago at matagal na silang nagkaayos ng pamilya ng biktima. Ayon pa sa kaniya, sinustentuhan pa niya ang biktima at ang kapatid nito hanggang sa makapagtapos ang mga ito ng kolehiyo.
“Kaya nagulat nga ako, paano, all of a sudden may warrant ‘yung mga supposed to be biktima, walang interes. Nag-usap kami, nagkapatawaran kami at alam namin ang katotohanan na walang gano'n. Walang gano'n rape. Ito lang ako, hindi naman ako nagtatago. For the past 10 years, narito ako,” sabi ng suspek.
Ayon sa pulisya, abot sa P180,000 ang nirekomendang piyansa sa bawat count ng kasong paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Samantala, walang piyansa para sa kasong rape.
Kasalukuyang nananatili sa Raxabago Police Station ang akusado samantalang hinihintay ang commitment order ng korte. --Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News
