Hiniling ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Health (DOH) sa Commission on Audit (COA) na magsagawa ng special audit sa mga pondo na naunang nailabas at naipamahagi para sa pagbabayad ng mga Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA).
Sa isang joint statement, sinabi ng DBM at DOH na layunin nila ang masusing pagsusuri sa paggamit sa mga pondo para matiyak ang tamang accounting ng pera ng bayan, at matulungan ang DOH sa pag-validate at pag-consolidate ng lahat ng mga kahilingan at paglalabas ng health emergency allowance.
Pinuna ng mga ahensya ang patuloy na pagbabago ng mga kinakailangang pondo para sa PHEBA.
Ayon sa pahayag, naglaan at naglabas na ang DBM ng kabuuang P121.325 bilyon para sa DOH, na sumasaklaw sa lahat ng healthcare at non-healthcare workers na nagbigay ng serbisyo mula 2020 hanggang 2023.
Kinabibilangan ito ng P121.325 bilyon para sa grant ng Special Risk Allowance, Health Emergency Allowance/One COVID-19 Allowance, COVID-19 Sickness and Death Compensation, at iba pang benepisyo tulad ng meal, accommodation, at transportation allowances.
Sa isang pagdinig ng Senate committee on health and demography noong Abril 2 at Mayo 20, 2024, humiling ang DOH ng karagdagang P27.453 bilyon upang matugunan ang buong pangangailangan para sa tinatayang huling pagkalkula sa pondo ng PHEBA.
Noong Hulyo 5, 2024, inaprubahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalaga ng P27.453 bilyon.
"The Advice of SARO specifically provides that the allotment release therein shall cover the full funding requirements for the PHEBA of eligible healthcare and non-healthcare workers, based on the submitted report dated April 26, 2024. This is the final and validated computation by the DOH based on submissions before a set deadline," ayon sa mga ahensiya.
"However, despite the final and validated computation of health emergency allowance payments timely filed before the announced deadline, the DOH and DBM have received various appeals and additional requests for health emergency allowance payments from health facilities that were not covered by previous releases," dagdag pa nila sa pahayag.
Iniulat na ang kailangang pondo ng PHEBA noong Disyembre 12, 2024 ay umabot sa P110.30 bilyon, imbes na ang naunang iniulat na P103.5 bilyon.
“An additional funding requirement of P6.8 billion, in addition to the P121.325 billion funding, is requested," ayon pa sa pahayag.
Sinabi ng DBM at DOH na nagdudulot ito ng seryosong mga alalahanin sa mga economic manager kung bakit patuloy ang pagbabago ng mga kinakailangang pondo para sa mga insentibo, higit sa isang taon mula nang alisin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang state of public health emergency dahil sa COVID-19 noong Hulyo 2023.
"This situation creates uncertainties regarding the government's payment obligations for this purpose," ayon sa joint statement.
Maliban sa hiling na special audit, pumayag ang DOH na tapusin ang listahan ng mga tatanggap ng health emergency allowance upang tuluyan nang malutas ang matagal nang usapin.— FRJ, GMA Integrated News

