Sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH)  na iimbestigahan nila ang dahilan ng pagbagsak ng isang bahagi ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela nitong Huwebes ng gabi. Ang naturang proyekto, ginastusan na ng mahigit P1.2 bilyon.

Sa isang pahayag, sinabi ng DPWH sa Cagayan Valley (Rehiyon 2) na ang ikatlong parte ng tulay mula sa bahagi ng Cabagan ang bumagsak dakong 8 pm matapos dumaan ang isang dump truck na may kargang mga malalaking bato na tinatayang may bigat na 102 tonelada.

“Further analysis on the cause of failure is still ongoing, and DPWH Region 2 has requested experts from the Bureau of Design and Bureau of Construction in the Central Office to conduct further evaluation and assessment,” ayon sa pahayag.

Ayon sa DPWH, umabot na ang gastos sa paggawa ng tulay sa P1,225,537,087.92-- "covering both the bridge and its approaches."

Sinimulan ang paggawa sa tulay noong November 2014 at natapos noong February 1, 2024.

Sa social media post ng Cagayan Provincial Information Office, inihayag umano ng mga awtoridad na isinailalim sa retro-fitting ang nasabing tulay at tanging maliliit na sasakyan lamang ang pinapayagang dumaan

Ayon pa sa DPWH, may kabuuang haba ang tulay na 990 metro, na binubuo ng 12 arch bridge na may haba na 60 metro ang bawat isa, at siyam na pre-stressed concrete girder (PSCG) spans. Ang mga approaches nito ay may kabuuang haba na 664.10 linear meters.

Tinukoy din ng DPWH na ang R.D. Interior, Jr. Construction ang kontratista sa proyekto. Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ang komento nila sa nangyari.

Anim ang nasaktan sa naturang insidente, kabilang ang isang bata.

Matapos tumakas kagabi, sumuko na sa pulisya ang driver ng truck. – mula sa ulat ni Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News