Susuportahan ng 90 porsiyento ng mga botante ang mga kandidato na may adbokasiya tungkol sa katiyakan ng pagkain at kalusugan, batay sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa naturang survey na ginawa noong February 15-19, na kinomisyon ng Stratbase Group, nakasaad din na 89% ng mga Pinoy ang boboto sa kandidatong magsusulong ng programa tungkol sa oportunidad sa trabaho at edukasyon.
Samantalang 88% naman ng mga tinanong ang susuporta rin sa kandidatong may malasakit sa karapatan ng mga manggagawa at overseas Filipino workers (OFWs).
Ang iba pang adbokasiya na nais ng mga tao na matugunan ng mga kandidato batay sa nabanggit sa survey:
- ibaba ang antas ng kahirapan at gutom— 83%
- kontrolin ang presyo ng mga pangunahing serbisyo at produkto— 81%
- pagtugon sa epekto ng climate change at palakasin ang disaster preparedness — 79%
- magtatanggol sa national security at kalayaan sa West Philippine Sea — 77%
- paglaban sa illegal drugs — 77%
- pagkamit ng energy security at paggamit ng renewable energy — 75%
- paglaban sa kriminalidad na bumibiktima sa mga tao. — 72%
- pagsugpo sa katiwalian sa gobyerno— 70%
- paggawa ng batas laban sa political dynasties — 63%
- patas na impeachment trial kay Vice President Sara Duterte sa Senado — 53%
Isinagawa ang SWS survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,800 registered voters sa buong bansa na may edad 18 pataas.
Mayroon itong sampling error margins na ±2.31% para sa national percentages, ±3.27% para sa Balance Luzon, at ±5.66% sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.
Gaganapin ang 2025 midterm polls sa May 12. — mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News

