Nagkaroon ng bagong damit ang isang Golden Retriever nang suotan ito ng bubble wrap ng kaniyang fur mom para hindi na ito mainggit sa isa pang nakadamit na fur baby.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing patapon na sana ang bubble wrap mula sa parcel ng fur mom na si Monica Isabel, ngunit tila sobrang inggit ang asong si Trexy sa kuya nitong Shih Tzu na si Sky.

Dahil dito, naisipan ni Monica na bihisan si Trexy ng bubble wrap.

"During that day po kasi, medyo malamig 'yung panahon and 'yung Shih Tzu ko po kasi, medyo lamigin siya. So sabi ko, 'Damitan na lang natin siya. Eh 'yung Golden Retriever ko naman po hindi naman siya ganu'n kalamigin. And then ang gulat namin, panay si Trexy habol nang habol doon sa Shih Tzu namin. So parang sinasabi niya na naiinggit siya roon sa damit ni kuya Sky," kuwento ni Monica.

Bago nito, sanay na ang fur babies ni Monica na laging magkakaparehas ang mga damit, kaya hindi maiwasan ang inggitan moments kapag si Sky lang ang may suot.

"Dati kasi growing up, lagi silang kung ano 'yung mayroon 'yung isa, mayroon din siya. Lahat ng damit ni kuya Sky, terno sila. Ang problem lang kasi nu'ng lumalaki siya, bihira na 'yung mga kasyang damit sa kaniya," kuwento ni Monica.

Inaalagaan ni Monica ang dalawang aso at isang rescued na pusa na magkakaiba man ang mga ugali, magkakasundo naman.

Sinisikap ni Monica na maging pantay ang ibinibigay niyang atensyon sa kaniyang fur babies.

"I make sure na hindi nasisira 'yung routine nila everyday. Para they don't feel jealous, they don't feel na parang may nagbago sa routine namin just because may another fur baby. Sa ngayon, kahit pusa si Sam, sobrang magkakasundo sila. Naglalaro-laro sila. Hindi sila nag-aaway-away," sabi ni Monica.

Katunayan, allergic si Monica sa mga pusa, ngunit tila itinadhana na ampunin niya ang puspin naman na si Sam.

"Paawi na kami, nagulat kami sa parking lot, mayroong kuting sa ilalim ng motor namin. Medyo umaambon-ambon kasi nu'n so siguro nagte-take lang siya ng shelter ganiyan or nagte-take ng cover. And then nu'ng finally lumabas na siya sa ilalim ng motor, sumasama naman siya sa amin. Sabi ko 'Oh my God, baka sign na 'to na para sa amin talaga siya," sabi niya.

Natututunan ni Monica ang pagmamalasakit sa mga hayop mula sa kaniyang lola na nagpalaki sa kaniya.

Bukod sa pagiging stress reliever, sinabi niyang kakaibang saya ang dulot tuwing sinusuklian ng mga hayop ang pagmamalasakit sa kanila.

"'Yung lola ko na nagpalaki sa akin, she always say na parang kapag mabuti ka sa hayop at ang hayop mabuti rin sa 'yo, parang madadamay na rin 'yung outlook mo sa mundo. Ang sarap din sa feeling kapag nakikita mo na talagang well-loved ka nu'ng hayop na 'yon. 'Yung parang kahit na pinakain mo lang siya, grabe 'yung balik niya sa 'yo na pagmamahal. Sobrang iba 'yung feeling talaga," sabi ni Monica.  — VBL, GMA Integrated News