Isang trailer truck ang nawalan umano ng preno at bumangga sa mga poste ng kuryente sa bahagi ng West Service Road sa Sucat, Parañaque City. Ang dalawang bata na nadamay, nagtamo ng mga sugat.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naganap ang insidente bago mag 7 p.m. ng Biyernes.

Isinalaysay ng driver at pahinante ng truck na nagmula sila sa pier at nagkarga ng mga patatas na kanila sanang dadalhin sa isang cold storage facility. Ngunit habang binabagtas ang lugar, biglang nawalan ng preno umano ang truck at bumilis ang kanilang takbo.

Sugatan sa aksidente ang dalawang bata.

“Exhaust brake ginamit ko na, trailer brake, ayaw. Talagang lumusong na, tumulin na. Hindi na makontrol. Wala na akong ibang paraan. Kaysa naman bungguin ko ‘yung dalawang kotse, binungo ko na lang dito sa poste,” sabi ng driver ng truck na si William Tanao.

“Nauna naming nabangga ‘yung isang jeep. Tinulak ngayon ng isang jeep, ‘yung bata napitpit doon sa gitna,” sabi ng pahinanteng si Norvin Colande.

Naidala na sa pagamutan ang dalawang bata at handang sagutin ng amo ng pahinante at driver ang gastos dito. Humingi rin sila ng paumanhin sa pamilya ng mga biktima.

Matapos ang insidente, kinailangang palitan ang dalawang poste ng Meralco, kaya pansamantalang walang supply ng kuryente ang nasa 2,600 bahay sa lugar Biyernes ng gabi.

Inilahad ng mga presidente ng asosasyon na problema talaga nila ang pababang kalsada sa kanilang lugar, at hinihiling nilang magkaroon ng mga stopper o humps para maiwasan ang aksidente sa lugar kahit paano. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News