Bibitawan umano ng bagong talagang Presidential Communications Office Ad Interim Secretary na si Jay Ruiz ang kaniyang sapi sa itinayo niyang kompanya, ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro.

Inihayag ito ni Castro sa press conference nitong Linggo, matapos tanungin tungkol sa lumabas na ulat na nakakuha ng P206.052 milyong halaga ng kontrata sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang kompanyang kinabibilangan ni Ruiz.

Nangyari umano ito ilang buwan lang bago siya itinalagang pinuno ng PCO nitong nakaraang Pebrero.

Ayon kay Castro, sa ilalim ng batas, mayroong 60 araw si Ruiz para bitawan ang kaniyang interes sa kaniyang kompanya.

''Ang batas naman po natin ay allowed po mag-divest ng shares o interest sa anumang kumpanya na pag-aari niya within 60 days from the time na nag-assume ng position. So 'yan po ay parating na po at alam naman po niya ang batas at lahat naman po ng gagawin natin dito ay dapat naaayon sa batas,'' saad ni Castro.

''Sa pagkakaalam ko ay in the process na po dahil pineprepare na po niya ang kanyang mga papers regarding [that],'' dagdag niya.

Hinihintay pa ng GMA News Online ang komento ni Ruiz tungkol sa usapin ng kaniyang kompanya.

Nito lang nakaraang linggo opisyal na nanumpa si Ruiz bilang bagong pinuno ng PCO, kapalit ng nagbitiw na si Cesar Chavez.— mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News