Inimbitahan ng Commission on Elections (Comelec) ang babaeng contestant sa noontime show na "It's Showtime" na naging viral dahil sa limitadong kaalaman tungkol sa naturang ahensiya na namamahala sa mga halalan ng bansa.
 
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, inimbitahan nila ang babae na kalahok sa beauty pageant segment ng programa para ipaliwanag ang gawain ng Comelec.

“We fully understand her,” saad ni Garcia nitong Lunes. “Maaring madami pa na katulad niya na kabataan o mga Filipino. It is our solemn duty to explain who we are and what we are doing.”

Inamin ng 20-anyos na kalahok sa nasabing noontime show na limitado lang ang nalalaman niya tungkol sa Comelec, at hindi rin siya botante.

Maging ang host ng programa na si Vice Ganda, nabahala rin sa inihayag ng kalahok.

Iginiit ni Garcia ang kahalagahan ng pagbibigay ng impormasyon sa mga tao tungkol sa Comelec at halalan.

“If she is converted as a believer then we can perhaps do the same for others. Voter education is the key,” anang opisyal. “It is our failure we have to rectify”. — mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ, GMA Integrated News