Magiging officer in charge ng state-run television network People’s Television Network (PTV) ang 74-anyos na si Oscar Orbos, ayon sa bagong pinuno ng Presidential Communications Office (PCO) na si ad interim Secretary Jay Ruiz.
“Siya ang papalit. Nakausap na namin nung Sabado at pumayag siyang pansamantala munang mag-officer-in-charge doon as (general manager). We are just preparing the papers, titignan namin yung legalities. Pero sa ngayon pumayag na siya,” sabi ni Ruiz sa mga mamamahayag.
“Ang sabi niya lang ‘I won’t stay there for long’ kasi medyo may edad na si former Secretary Oscar Orbos,” dagdag niya.
Ayon kay Ruiz, may mga reklamo umano laban sa dating pinuno ng PTV4 na si Toby Nebrida, pero hindi siya nagbigay ng detalye.
“I don’t have specifics, pero okay na muna ‘yon…pero may mga empleyado, maraming nagpo-protesta doon, so we want to calm them down na asahan niyo na may pagbabagong mangyayari,” sabi pa ni Ruiz.
Sinusubukan pa naming makuhanan ng pahayag si Nebrida tungkol dito.
June 2024 nang manumpa si Nebrida bilang acting manager ng PTV-4 sa pinuno noon ng PCO na si dating Secretary Cheloy Garafil.
Nagbitiw naman si Garafil sa PCO nong Setyembre 2024, at pumalit sa naturang puwesto si Cesar Chavez.
Pero noong Pebrero 20, 2025, nagbitiw din si Chavez sa PCO at pumalit si Ruiz.
Dating naging executive secretary at transportation and communications secretary si Orbos sa ilalim ng administrasyon ng namayapang pangulo na si Corazon Aquino.
Naging kongresista at gobernador din siya ng Pangasinan.
Dati rin siyang co-host ni Solita "Mareng Winnie" Monsod sa programang "Debate with Mare at Pare" sa GMA Network. --FRJ, GMA Integrated News

