Timbog ang dalawang lalaking nangholdap umano sa dalawang babaeng naglalakad sa Barangay St. Peter, Quezon City gamit ang CCTV at messaging app. Ayon sa mga suspek, gipit sila kaya nagawa ang krimen.
Sa ulat ni Bam Alegre sa "Unang Balita" nitong Martes, sinabing naglalakad pauwi gabi ng Pebrero 28 ang mga empleyadong babae nang tangayin ng mga suspek ang kanilang mga bag at cellphone.
Nagsagawa ng backtracking sa CCTV ang pulisya at naaresto ang isa sa mga suspek na rider ng motorsiklo.
Sa pamamagitan naman ng messaging app ng nahuling suspek, nakumbinsi ng pulisya ang kasabwat na makipagkita sa Barangay Balingasa, at doon na ito nahuli.
Nakuha sa mga suspek ang dalawang baril na ipinantutok sa mga biktima. Positibong kinilala ng mga biktima ang dalawang suspek.
Kasong robbery hold-up at paglabag sa Omnibus Election Code ang kahaharapin ng mga suspek.
Pinagsisisihan umano ng mga suspek ang kanilang krimen.
“Matinding pangangailangan din po, sir. Pambili lang po ng *** ng anak,” sabi ng isa sa mga suspek.
“Dala lang po ng matinding pangangailangan,” sabi ng isa pang suspek. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News
