Naiwasan ng isang magtiyahin na magpaloko sa tinatawag na “Dugo-Dugo 2.0” scam, kung saan isang caller ang tumawag sa isang menor de edad at sinabing kailangan niyang kumuha ng pera dahil naaksidente at hindi makapagsalita umano ang kaniyang tiyahin. Ngunit ang tiyahin na nasa ibang lugar lang pala, sinabihan ang pamangkin na huwag nang kausapin ang scammer.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa Balitanghali nitong Martes, ipinakita ang video na kinunan ng menor de edad habang kausap ang caller na hindi niya kilala.

“‘Yung sugat ni ma’am sa bibig natahi po ‘yun, pumutok po ‘yung nguso ni ma’am nahihirapang magsalita,” sabi ng scammer sa menor de edad.

Ayon pa sa caller, nagbilin na ang kaniyang tiyahin na huwag sasabihin ng menor de edad sa kaniyang lola ang tungkol sa usapan nila.

Hindi na nakunan, ngunit inutusan pa umano ang bata na kumuha ng pera.

“May pinapakuha daw po akong sobre. ‘Yung sobre po na ‘yun nandu’n daw po sa kuwarto ko sa ilalim ng damitan ko,” salaysay ng tita.

Ngunit walang nakitang pera ang bata kaya naisip niyang mag-chat na sa kaniyang tita.

Dito na siya sinabihan ng tiyahin na ibaba ang phone, huwag sagutin kung tatawag ulit at i-block ang unknown caller sa cellphone.

Bago nito, isinalaysay ng tita na may tumawag sa kaniyang isang nagpakilalang telco representative at kumuha ng impormasyon sa pamangkin niya.

Plano ng magtiyahin na maghain ng reklamo sa Department of Information and Communications Technology o DICT.

Ayon sa kagawaran, Dugo-Dugo 2.0 ang nagtangkang mambiktima sa magtiyahin.

“Sasabihin nila na ‘Na-ospital ‘to,’ ‘Naaksidente ‘to,’ lalo na mga nasa ibang bansa na ‘Naka-detain itong kamag-anak ninyo,’” sabi ni Asec. Aboy Paraiso ng DICT.

Hinala ng DICT na maaaring nakukuha ng mga sindikato sa bansa ang contact information na bibiktimahin sa pamamagitan ng phishing websites o napag-aralan ang profile ng biktima sa social media.

“Masyado tayo nag-over-share sa ating mga social media pages kung ano 'yung mga kamag-anak natin, ano 'yung mga ginagawa natin, ano 'yung mga routines natin, kung nasaan tayo,” sabi ni Paraiso.

Target umano ng mga Dugo Dugo 2.0 scammers ang mga bata at senior citizen, kaya iminungkahi ng DICT na turuan sila na huwag bigyan ng oras ang tawag kung hindi nila kilala ang numero at ipasa ito sa isa pang nakatatanda na nasa bahay.

Kung makatanggap din ng ganitong tawag, huwag agad maniwala, ibaba ang telepono at i-verify sa kamag-anak ang impormasyon.

Tumawag sa DICT Hotline 1326 kapag nakaranas ng kahit anong uri ng ICT scam.

Isa rin sa tinitingnang solusyon kontra scam ang pag-amyenda sa SIM registration law, bagay na bukas naman ang Palasyo.

“Pagpupursigihin po rin natin na maiayos 'yung batas patungkol dito. Dahil sa ngayon po 'yung batas patungkol sa SIM card registration, ito po ay isang dahilan kung bakit nagkakaroon pa po ng ganitong klase mga text scams,” sabi ni Palace press officer Usec. Atty. Claire Castro.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News