Pumanaw na sa edad na 88 ang lalaking Australyano na tinaguriang "Man with the Golden Arm," at nagbigay ng proteksiyon sa may 2.4 milyong sanggol dahil sa kaniyang pambihirang dugo na mayaman sa antibodies.
Sa loob ng 64 taon, 1,173 beses na nakapag-donate ng dugo si James Harrison, ayon sa pahayag ng Australian Red Cross na Lifeblood.
Ang kaniyang plasma, nagtataglay ng pambihirang antibody, na kilala bilang Anti-D, na ginagamit upang gumawa ng gamot para sa mga ina na ang dugo ay may panganib na umatake sa kanilang mga sanggol habang nasa sinapupunan- na tinatawag na rhesus D haemolytic disease of the fetus and newborn (HDFN).
Bagamat imposibleng malaman kung ilang sanggol ang posibleng namatay kung walang proteksyon ng Anti-D, ayon sa mga datos ng gobyerno, ang HDFN ay nakaapekto sa isa sa bawat 100 kababaihan hanggang noong 1966.
Kasunod ng matagumpay sa pagsubok sa Anti-D noong 1966 sa Australia, nagsimulang maghanap ang Lifeblood ng mga tao na may ganitong antibody upang palawakin ang proyekto.
Si Harrison ang tumugma sa pangangailangan nang panahon na iyon.
Nagsimula siyang mag-donate ng dugo ilang taon bago iyon at hindi kailanman lumiban sa lahat ng kaniyang appointment hanggang sa magretiro siya noong 2018, ayon sa Lifeblood.
Nagamit ang kaniyang dugo upang makagawa ng 2.4 milyong doses ng gamot.
Sa 1,173 donasyon ni Harrison, 1,163 ay mula sa kaniyang kanang braso at 10 mula sa kaliwa, ayon sa Sydney Morning Herald.
"It didn't hurt in the right arm," saad niya sa pahayagan pero hindi niya tinitingnan tuwing tuturukan na siya ng karayom.
Pumanaw si Harrison habang natutulog sa isang nursing home sa New South Wales Central Coast noong Pebrero 17.
Ayon kay Stephen Cornelissen, CEO ng Lifeblood, nag-iwan si Harrison ng isang “pambihirang pamana.”
"It was his hope that one day, someone in Australia would beat his donation record," saad niya.
Tinatayang 17 porsiyento ng mga buntis ang nangangailangan pa rin ng Anti-D, ngunit nananatiling mahirap ang paghahanap ng mga donor para sa programa, ayon sa gobyerno.
Umaasa ang mga dalubhasa na magagamit ang naiwang dugo ni Harrison at iba pang mga donor upang makalikha ng Anti-D antibodies sa pamamagitan na ng laboratoryo upang mapigilan ang HDFN sa buong mundo.-- mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ, GMA Integrated News

