Nagtamo ng dalawang saksak sa likod ang isang 17-anyos na lalaki matapos manlaban sa tatlong holdaper sa Mel Lopez Boulevard, Tondo, Maynila.
Naaresto ang isa sa tatlong suspek na nagtangkang umagaw sa bisikleta ng biktima.
Ayon sa Barangay 101, hindi nila residente ang biktima subalit batay sa nakalap nilang impormasyon, ito ay namamasukan bilang palero o nagpapala ng basura at kukuha sana ng sahod nang mangyari ang insidente.
Nakasalubong umano ng biktima sa kalsada ang tatlong suspek na sinubukang agawin ang bisikleta na hiniram lang din niya.
Lumaban umano ang biktima sa mga suspek kaya naglabas na ng patalim ang isa sa mga ito at dalawang beses na sinaksak sa likod ang biktima.
Nakatakbo pa raw ang biktima at nakahingi ng tulong kaya siya naisugod sa ospital.
Agad namang itinakas ng tatlo ang bisikleta pero hinabol sila ng mga residente hanggang sa tuluyan silang nagpulasan.
Tumalon daw sa tulay ang suspek na sumaksak sa biktima at nagtago sa isa sa mga beam.
Ayon sa barangay, tumagal ng dalawang oras bago nila nahuli ang suspek dahil kinailangan pa nilang palikasin ang mga residente doon habang hinuhuli ang suspek
“In-isolate namin 'yung residente, pinababa namin dun sa may baba, lahat pinalabas namin para hindi na pumanik o gumawa pa ng hindi maganda. Nung nadulas ‘yung suspek dun sa ibabaw, siguro nagtatago siya dun, dumulas siya sa kabila, nalaglag siya, pagkalaglag niya dun na siya pinaupo ng tatlo, dun na siya inahon samin sa pampang saka dun na namin talaga nakuha ung tao,“ ayon kay Arwin Francisco.
Ayon naman sa magulang ng dating kinakasama ng biktima, masuwerteng nakaligtas ang lalaki subalit kailangan niya pang sumailalim sa operasyon.
“Ooperahan daw po sabi ng aking anak kasi tumulong po ‘yung anak ko kahapon dun sa lola niya dahil wala pong kasama,” ayon kay Michelle Castillo.
Sa ngayon ay hawak na ng Manila Police District ang suspek habang patuloy na pinaghahanap ang dalawang kasabwat nito.
Sinusubukan pang mahingan ng pahayag ang suspek at ang pulisya.—AOL, GMA Integrated News
