Isang fetus ang natagpuan sa gilid ng kalsada sa Makati City.

Ito raw ay tinatayang lima hanggang anim na buwan ang edad, sabi ng Makati City Police, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Natagpuan ang fetus sa Kalayaan Avenue nitong Lunes ng madaling araw.

Sa kuha ng CCTV, nakitang may isang sasakyan na tumigil sa gilid ng kalsada. Lumabas ang driver na lalaki kasunod ang babaeng pasahero.

Hindi malinaw kung ano ang kanilang ginagawa pero ayon sa isang napadaan doon, nakita niyang hinimas-himas ng babae ang kanyang tiyan.

Nang bumalik siya sa lugar, nakita niya ang fetus sa gilid ng kalsada.

Hinahanap na ng mga awtoridad ang lalaki at babae na nakita sa CCTV. —KG, GMA Integrated News