Sapul sa CCTV ang ginawang pagtangay ng isang lalaki sa bag na saglit lang inilapag ng isang babae sa isang gate sa Barangay Socorro, Quezon City. Ang suspek, dati na ring sangkot sa pagnanakaw.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV ang babaeng biktima na nakaupo sa harap ng isang gate noong Sabado ng hapon.

Ilang saglit pa, iniwan niya ang kaniyang bag at tumawid sa kabilang kalsada.

Hanggang sa dumating ang isang lalaking nakabisikleta, nakasumbrero at face mask at tinangay ang bag ng babae.

Isinalaysay ng may-ari ng bag na si Hazel Linda na makikipagkita siya noon sa kaibigan para sa kanilang camping sa Tanay, Rizal. Inilapag muna niya ang kaniyang bag sa gate samantalang hinihintay niyang pagbuksan siya ng kaibigan.

“Sobrang bigat kasi nu’ng bag ko nga kaya [nilapag] ko muna, nakakita ako ng tindahan sa tawid, may bibilhin lang ako, so mga 10 seconds lang ‘yun noong nangyari ‘yun,” sabi ni Linda.

Halos P50,000 ang halaga ng natangay na bag at mga laman nito, kasama ang wallet, mga ID, cards at uniform ni Linda.

Nakilala ang suspek sa tulong ng CCTV na pinost ng biktima sa social media.

Kasama ang mga tauhan ng barangay, pinuntahan ng biktima ang nahuli-cam na nagnakaw ng kaniyang mga gamit.

Kalaunan, umamin sa pagnanakaw ang suspek.

“Ito pala ‘yung wallet mo, napulot ko ‘yung ID mo. ‘Yung mga gamit naibenta ko na,” sabi ng suspek.
“Sabi ko sa kaniya, ‘Sige hindi na kita kakasuhan, ilabas mo lang ‘yung gamit ko.’ So ayun, pumunta pa kami roon, kinlaim (claim) ko ‘yung mga gamit ko roon sa pinagbentahan niya,” sabi ng biktima.

Nabawi ang bag at ilang gamit ng biktima, kasama ang sapatos at gamit pang-camping.

Nang mabawi ang ilang gamit, kinontak pa ng biktima ang suspek online sa pag-asang makuha ang iba pang natirang gamit.

Ngunit ang suspek, nag-send ng selfie habang hawak ang mga item na kaniyang ninakaw.

“Sabi niya, ‘Ito ba ‘yun?’ Inano pa niya 'yung make-up ko, nag-selfie siya. Natawa nga ako, sabi ko sana all updated. Kasi ina-update pa ako nu’ng magnanakaw, ‘di ba?” sabi ni Linda.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek na ipinatawag ng barangay nitong Lunes.

Napag-alamang may dati na ring background ng pagnanakaw sa Barangay Pinyahan ang suspek.

Dagdag ng barangay, may problema sa kalusugan ang suspek, at sisikapin nila itong matulungang maipagamot at madala sa hospital para sa mental health.

Hindi na nagsampa ng reklamo ang biktima laban sa suspek.

Nagkasundo sila sa pangako ng suspek na isasauli ang iba pa niyang ninakaw na gamit. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News