Hindi natitinag si Senate President Francis "Chiz" Escudero sa kaniyang posisyon na hindi niya pasisimulan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado habang naka-recess ang sesyon ng Kongreso.

Inihayag ito ni Escudero nitong Miyerkoles kasunod ng mga plano na may mangangalap ng mga pirma upang ipanawagan sa Senado na simulan na ang paglilitis kay Duterte.

"No amount of signatures will amend the law nor convince me to violate it by convening the impeachment court during recess and without complying with the requisite conditions precedent," saad ni Escudero sa text message sa mga mamamahayag.

"The law is not bendable and should not bow to anyone’s dictate simply because of their own desire, bias and timetable of wanting to rush the impeachment proceedings vs. VP Sara," dagdag niya.

Una rito, inilunsad ang People's Impeachment Movement (PIM) na kinabibilangan ng iba't ibang religious groups at sectoral representatives na layong makakalap ng nasa isang milyong lagda hanggang sa June 8 upang ipakita sa Senado ang panawagan ng mga tao na litisin na si Duterte.

Ayon kay Fr. Flavie Villanueva, isa sa mga pari na sumusuporta sa mga biktima ng drug war ng rehimeng Duterte, naniniwala ang grupo na dapat simulan na ang impeachment trial ni Duterte at panagutin ito sa mga nagawa umanong paglabag sa batas.

Pero dati nang sinabi ni Escudero na hindi puwedeng magsimula ang impeachment trial sa Senado bilang impeachment court habang nakabakasyon ang Kongreso.

Inihayag ng senador na maaaring simulan ang paglilitis sa July 30, na uupo na ang mga bagong senador na mananalo sa darating na May midterm elections.

Sa mga nakaraang pahayag, iginiit din ni Escudero na uusad ang impeachment trial alinsunod sa batas, at hindi dahil sa sinasabing panawagan ng mga tao.

"Hindi kayang baguhin ng ingay mula sa anumang sektor o grupo yung nakasulat sa batas. Hindi namin babaguhin yun depende sa palakasan ng sigaw. Hindi naman ako si Andrew E. na sinong mas malakas, pinaka maingay. Di naman ako yun, so hindi ko trabaho yun," ani Escudero.  

"Ang sinasabi ng batas ay sinasabi ng batas, unless sabihan kami ng Korte Suprema sa mandamus petition na naka pending ngayon," dagdag pa niya.

Pebrero 5 nang i-impeach ng mahigit 200 kongresista si Duterte. Kaagad ding ipinadala ng Kamara ang Articles of Impeachment sa Senado, ngunit hindi na ito natalakay dahil nagsimula na ang panahon ng bakasyon ng Kongreso. — mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News