Ang mahinang disenyo ang nakikitang dahilan ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. kaya bumigay ang bahagi ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela.
''Ang ending nito, ang puno't dulo nito design flaw... it is a design flaw, mali 'yung design,'' pahayag ni Marcos sa ambush interview nitong Huwebes.
''Okay naman... 'yung construction, 'yung contractor sinundan naman ang plano, by the book naman ang kaniyang ginawa, up to specification 'yung kaniyang ginawa, 'yun lang 'yung specification, mali...'' dagdag niya.
''This is a design problem,'' giit pa ng pangulo.
Ayon kay Marcos, nasa P1.8 bilyon ang halaga ng proyekto pero naibaba ito at hindi na umabot sa isang bilyong piso.
''Ang history kasi nito dapat ang funding nito was supposed to be – ang project cost nito is P1.8 billion. So, binawasan to under P1 billion para makamura. Ayan inayos ngayon, ginawa ngayon ‘yung detail design, design is really weak. Dahil kung tutuusin ninyo this is supposed to be a suspension bridge, nakasabit. Nakaganyan – ‘yung arko na ganyan tapos ‘yung bridge suportado nung kable,'' paliwanag niya.
Ang naturang tulay lang umano ang nakita ni Marcos na suspension bridge na walang sumusuportang kalbe.
Dagdag ng pangulo, napunta sa wala ang halagang nabawas sa pagpapagawa ng tulay dahil kailangan na muling gumastos ang gobyerno para maisaayos ito.
''We have no choice. We have to go back. So, ‘yung nagtitipid tayo, tinipid natin sa 1.8 (billion), useless. Ngayon, babalik na naman tayo. Gagastos na naman tayo nang malaki. Papalitan natin ‘yung mga support. Parang nagtayo na naman tayo ng bagong tulay,'' giit niya.
Sa tanong kung sino ang mananagot sa nangyari sa tulay, ayon kay Marcos, uunahin muna niyang ayusin ang problema.
''You know, I always have a saying, fix the problem, not the blame. Ayusin muna natin ‘yung problema. Believe me, we will find out who is responsible [later],'' saad niya.
''Who is responsible is basically who made the design ‘cause their design was poor. Look what happened. And then also, those trucks should never have been on the bridge,'' dagdag ni Marcos.
Una rito, sinabi ng Department of Public Works and Highways na hanggang 44 tons lang ang puwedeng dumaan sa tulay pero may truck umano na dumaan na 100 tonelada ang karga na dahilan kaya bumagsak ang tulay noong Martes.
Walang nasawi sa insidente pero may anim na nasaktan. —mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News
