Nakatakda na sanang ikasal sa darating na Marso 15 ang isa sa dalawang piloto na nasawi matapos na bumagsak ang sinasakyan nilang FA-50 fighter jet sa Bukidnon.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng kapatid ng nasawing si 1st Lieutenant AJ Dadulla, na naghahanda na ito sa kaniyang magiging kasal.
“Nagtatanong siya kung bibilhan ba namin ng wheelchair yung papa namin…para sa kaniyang kasal. Pagkatapos ng kasal, gusto niya munang mag-spend nang ilang mga araw o siguro linggo kasama ‘yung mapapangasawa niya po,” ayon kay Jovenel Dadulla, kapatid ni AJ
“Tinitingnan na lang po na si AJ ay nakapagbuwis ng kaniyang buhay para sa bayan. Sa ganoon po ay medyo gumagaan nang kaunti ang aming pakiramdam,” dagdag niya.
Ang isa pang nasawi ay si Major Jude Salang-oy, isang veteran pilot na naging bahagi ng nakaraang Pitchblack Exercise sa Darwin, Australia.
Miyembro sina Salang-oy at Dadulla ng 7th Tactical Fighter Squadron o "Bulldogs."
Nakuha na ang mga labi ng dalawang piloto mula sa crash site kaninang umaga.
Dinala ang kanilang mga labi sa isang funeral parlor sa Cagayan de Oro, at saka ililipad sa Villamor Airbase sa Biyernes o Sabado upang bigyan ng military honors.
Nakuha na rin ng mga awtoridad ang flight data recorder ng eroplano na inaasahang makatutulong sa imbestigasyon kung ano ang nangyari o bakit bumagsak ang eroplano.
Nagsasagawa rin ng forensic investigation sa Bukidnon ang isang grupo mula sa Philippine Air Force’s (PAF).
Kabilang sa tinitingnan na anggulo sa insidente ang posibleng mechanical problems at human factors.
“We are going to look at all angles. Yes, you’ve mentioned material factor, mechanical factors, human factor - we are going to look at their medical records, mental state records, and aside from that, environmental is also a factor,” sabi ni PAF spokesperson Colonel Maria Consuelo Castillo. –FRJ, GMA Integrated News
