Nasawi ang isang ama at dalawa niyang anak nang masunog ang kanilang bahay sa Marikina nitong Huwebes. Ang ama, umakyat umano ng bahay para sagipin ang mga anak.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing walong bahay ang tinupok ng apoy kaninang umaga sa Barangay Concepcion Uno, ayon sa Bureau of Fire Protection - National Capital Region (BFP-NCR).
Umabot lang sa unang alarma ang sunog na idineklara dakong 8:11 a.m., at naging fire out dakong 9:44 a.m.
Ayon sa kaanak ng biktima, binalikan ng ama ang dalawa nitong anak para sagipin pero hindi na sila nakalabas ng nasusunog nilang bahay.
“May sinaing daw doon sa kapatid kong lalaki, nagluluto [nang magkasunog] binalikan niya yung anak niyang dalawa sa taas. Hindi na nakababa. Yung dalawang apo ko tapos tatay noon, tumalon sa kabilang bubong,” ayon kay Rowena Carillo.
Narinig pa raw ng mga kapitbahay ang paghingi ng saklolo ng mga biktima pero hindi na nila magawang saklolohan dahil sa lakas ng apoy.
“Nakita ko nagliliyab na 'yung kapitbahay. Akala ko may nagluluto, grabe naman lakas ng kalan. Ginawa ko ginising ko na yung mga anak ko. Hindi ko alam yung pinanggalingan. Basta nakita ko na lang umaapoy na,” ayon kay Edmundo Torres, na kabilang sa mga nasunugan ng bahay.
Hindi pa batid ng mga awtoridad kung ano ang pinagmulan ng sunog at halaga ng pinsala.
Sa Maynila, isang 83-anyos na babae ang nasawi nang masunog ang isang two-story house sa Barangay 32, Zone 2, District 1 sa Tondo na idineklara ang unang alarma dakong 9:21 a.m.
Naapula rin agad ang sunog dakong 10:34 a.m.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.
Kasunod nito, nagpaalala ang BFP sa publiko na lubhang mag-ingat sa sunog lalo na ngayong mainit ang panahon.
“Sa ngayon po na mataaspo ang ating heat index pinapa-alalahanan po natin ang ating mga kababayan na magdoble ingat. Kasi mainit po talagaang angating mga saksakan, lalo n amga electric fan, kapag hindi po natin ginagamit siguraduhin pong nakabunot at ang mga ilaw siguraduhing nakaswitch off,” paalala ni Melan Balbuena, Senior Fire Officer 3, BFP Marikina. — FRJ/GMA Integrated News
