Sinabi ni dating senador Panfilo Lacson na obligasyon pa rin ng Pilipinas na magbigay ng suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang isang Pilipino na lilitisin ng International Criminal Court (ICC) na nasa ibang bansa.
“More than being a former president of our country, FPRRD is a Filipino who will face trial in an international court. Our government must not lose sight of its obligation, as a matter of policy, to extend support to ALL Filipinos, as we consistently do, even to those already convicted and facing executions beyond our jurisdiction,” pahayag ni Lacson sa kaniyang post sa X.
Inihayag ito ni Lacson, isang araw matapos arestuhin at dalhin sa Netherland si Duterte upang litisin ng ICC sa kasong crimes against humanity.
Ang kaso ay bunsod ng kampanyang war on drugs na ipinatupad ni Duterte noong kaniyang administrasyon na ikinasawi ng hindi bababa sa 6,000 tao.
Sa presscon nitong Miyerkoles, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, na ihaharap muna si Duterte sa isang korte sa Netherlands bago siya ihatid sa ICC.
Ayon kay Castro, didinggin muna ng korte sa Netherlands kung wasto ang ginawang pag-aresto kay Duterte sa Pilipinas bago siyang dalhin sa ICC.
''Sa aking pagkakaalam, dadalhin muna siya sa isang local court at doon titingnan, aalamin kung tama ba 'yung proseso ng pag-arrest at kapag po navalidate, na sinabi naman na tama ang pagkakadala sa kaniya sa bansang kung saan siya dadalhin, dadalhin na po siya sa The Hague, sa ICC,'' sabi ni Castro.
Samantala, kung makikita naman ng ICC na nagkasala si Duterte sa kinakaharap nitong kaso na crimes against humanity, sinabi ni Castro na depende sa mga hukom kung paparusahan ang dating pangulo ng pagkakakulong ng hanggang 30 taon o habambuhay. -- mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News

