Pinasok ng mga awtoridad ang isang cold storage warehouse sa Meycauayan, Bulacan na pinaglalagyan ng nasa P600 milyong halaga ng mga umanoý expired frozen meat. Ang iba, sinasabng ipinoproseso muli para gawing mga siomai at hotdog.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkoles, pinasok sa bisa ng search warrant ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) Central Luzon Regional Office ang bodega kung saan nakita ang mga kahon-kahong imported meat products na marami ang bulok at inaamag na.

Sa tulong ng impormante, nabisto ang naturang modus umano ng kompanya na ang ibang karne ay expired na mula pa noong 2020 at 2021.

“Marami nang black spots, may inaamag na, may inuuod na talaga. Para ma-save nila yung kanilang produktong expired ay nire-reprocess nila, they are re-labelling the products to make it appear na hindi pa ito expired. Gini-grind at ginagawa nilang siomai, hotdog,” sabi ni Atty. Aires Manaloto, NBI agent on the case.

Ayon kay NBI Central Luzon Regional Director Jun Carpeso, may dalang panganib sa kalusugan ang mga karne kapag nakain dahil hindi na fit for human consumption ang mga ito.

Itinanggi naman ng legal representative ng kompanya na si Atty. Oliver Santos, ang mga alegasyon laban sa kaniyang kliyente.

Nang tanungin kung bakit may mga bulok na karne sa bodega, sinabi ni Santos na, "We will confer with that with our client because we will answer all allegations because it will already touch on the merits, on the proper forum.”

Nais naman ni NBI Director Jaime Santiago ang agarang madispatsa ang mga nakumpiskang karne ara hindi na maibenta sa merkado.

Posibleng maharap ang kompanya sa reklamong paglabag sa Republic Act 7394, o ang Consumer Act, in relation to the Food Security Act. -- FRJ, GMA Integrated News